Isang babae na mala-pulis ang Halloween costume ang inaresto sa Cebu City dahil umano sa pag-iskandalo at paggasgas sa nakaparadang sasakyan gamit ang posas.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, sinabing dumalo umano ang 24-anyos na babae sa isang Halloween party na ginanap sa isang club.

Ang kaniyang kasuotan o costume, may nakasulat na "police."

Pag-uwi ng madaling araw ng Oktubre 27, sumakay ang babae ng taxi. Pero nagpatigil umano ito sa M. Logarta Avenue sa Barangay Mabolo dahil kailangang magbanyo.

Itinigil ng driver ang babae sa harap ng isang establisimyento. Pero nang bumaba ang babae, nagsisigaw umano ito at ginasgasan ang isang nakaparadang sasakyan gamit ang dalang posas.

Inaresto siya ng mga tao sa pamamagitan ng citizen’s arrest at tumawag ng pulis.

Nahaharap ang babae sa reklamong malicious mischief. --FRJ, GMA Integrated News