Naibsan ang gutom at uhaw ng mga aso na naiwan sa bubong ng isang bahay na nalubog sa baha sa gitna ng hagupit ng Bagyong Kristine, matapos silang makita ng mga rescuer sa Camarines Sur.
Sa video ng Philippine Red Cross, na iniulat din sa GMA Integrated Newsfeed, sinabing nagsasagawa ng rescue operations noon ang mga rescuer nang makita nila ang tatlong aso sa bubungan na may naiwan ding sako ng dog food.
Dahil dito, agad na umakyat ang isa sa mga rescuer at pinakain ang mga aso.
Agad namang lumapit ang mga aso na walang ipinakitang bangis dahil na rin sa gutom at uhaw.
Naglambing pa ang mga aso sa rescuer na tila na nagpapasalamat at gusto pang sumama.
Hindi naman binanggit sa ulat kung ano ang nangyari sa mga aso, o kung bumalik ang mga nakatira sa bahay.
Saad ng Philippine Red Cross sa kanilang post, "Bawat buhay mahalaga." -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News