Ilan sa mga katangian ng isang meteorite ang kakaibang bigat nito at kinakapitan ng magnet, na taglay din ng malaking tipak ng bato na napulot ng isang construction worker sa Quezon City. Naka-jackpot nga kaya ang lalaki lalo pa't nakakapagpailaw daw ng bombilya ang napulot niyang bato?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," binalikan ang kuwento ng tatlong magsasaka na nakapulot ng bato na kumpirmadong meteorite noong 2019 sa Oriental Mindoro, na ang presyo ay umabot sa P8 milyon.
Ang naturang meteorite na napulot ng mga magsasaka, 'di hamak na mas maliit kumpara sa bato na napulot ni Enrico Ybanez sa isang construction site noong 2022.
Ang bato ni Enrico, 40 centimeter ang lapad, 60 cm ang haba, at 18 cm ang taas. Ang bigat, 192 kilo kaya mahigit limang tao ang kailangang magtulong-tulong para mabuhat.
Taong 2017 umano nang magkaroon ng interes si Enrico sa mga napupulot niyang bato. Hanggang sa makita niya noong 2022 sa gilid ng isang construction site ang malaking bato na hinihinala niyang meteorite.
Ipinakita pa ni Enrico kung papaano napapailaw umano ng napulot niyang bato ang bombilya kaya hinihinala niyang nickel–iron ang komposisyon ng bato.
Kung totoo na meteorite ang napulot niyang bato, posibleng umabot umano sa milyon dolyar ang halaga nito.
Upang malaman kung meteorite talaga ang bato ni Enrico, ipinasuri ito sa isang meteorite collector at isang geologist na nagsagawa ng megascopic test. Alamin ang hatol nila sa bato. Panoorin ang buong kuwento sa video ng KMJS.-- FRJ, GMA Integrated News