Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang posibleng kaso ng necrophilia o panghahalay sa bangkay ng isang 22-anyos na babae na nangyari sa isang sementeryo sa Carcar City, Cebu.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa GTV State of the Nation nitong Lunes, sinabing pumanaw ang babae dahil sa komplikasyon sa panganganak at inilibing noong October 19.

Ngunit sa sumunod na araw, nakita ng nagbabantay sa sementeryo na wala na sa loob ng nitso ang bangkay at nasa ibaba na.

Nang suriin ng pamilya ang loob ng ataul, nakita na nakataas ang damit ng bangkay at nawawala rin ang underwear kaya ini-report nila sa pulisya.

Kumuha naman ng specimens mula sa bangkay ang mga imbestigador upang alamin kung nilapastangan ang bangkay.

Mayroon na umanong person of interest ang pulisya tungkol sa insidente. —FRJ, GMA Integrated News