Nabulabog ang masayang pagdiriwang ng kaarawan ng isang pamilya sa beach sa Liloan, Cebu nang makadiskubre ang isa nilang kasama ng bag na nasa ilalim ng dagat na may laman na bagong silang na sanggol.
Sa video ng FYP ng GMA Public Affairs, ikinuwento ni Fernan Rey Brazil na isang kaibigan niya ang sumisid sa dagat at nakakita sa pulang bag na nasa ilalim ng tubig.
Inakala raw ng kaibigan ni Brazil na lamang-loob ng baboy ang nasa loob ng bag. Pero nang kapain niya ito, may nahawakan siya na tila buhok.
Iniahon nila ang bag at binuksan. Doon na tumambad ang kalunos-lunos na sanggol na nakakabit pa ang pusod at mayroon pang dugo.
Paniwala ni Brazil, kakasilang lang ng sanggol nang araw na iyon. Sinuri din umano niya ang kalagayan ng sanggol at inilarawan niyang "fresh" pa ito.
Sa kagustuhan niyang mailigtas ang sanggol, nagsagawa siya rito ng CPR habang naghihintay ang pagdating ng medical team, kasabay ng pagtawag nila sa barangay at pulisya.
"Baka lang po kasi ma-save natin yung bata, 'yon lang po ang nasa isip ko at that time," sabi ni Brazil.
Sa kasamaang-palad, hindi na naisalba ang buhay ng sanggol, at kaagad na inilibing sa maayos na paraan.
"Sad to say hindi ko po na-revive yung bata. Nakakapanghinayang lang po," malungkot na sabi ni Brazil, na isa na ring ama.
"As a father po masakit sa damdamin na ganoon ang kinahinatnan ng bata. Nasa isip ko po palagi yung bata, nakakaawa po," sabi pa niya.
Ayon sa pulisya, posibleng patay na ang sanggol ba pa man ito iniwan sa ilalim ng dagat.
Sinabi naman ni PSSG. Albert Comeros, ng Liloan Police Station, na patuloy ang isinasagawang imbestigasyon para matukoy kung sino ang nagtapon sa bata at ina nito.--FRJ, GMA Integrated News