Lumipas man ang halos 30 taon mula nang magkalayo sila, hindi nabura sa alaala ng isang Pinay kung paano siya inalaagan ng kaniyang yaya sa Pilipinas na kaniyang hinanap. Mensahe niya sa mga yaya: "Never underestimate the value of what you do."
Sa ulat ng "FYP" ng GMA Public Affairs, makikita ang video nang muling pagkikita kamakailan nina Nika Diwa at ang kaniyang pinakamamahal na si Yaya Erlina sa Bacolod.
Mahigpit na yakap ang isinalubong ni Nika kay Erlina kahit hindi pa siya nakakababa ng sasakyan.
BASAHIN: Pulis na half-brother ni Jay Manalo, muling nayakap ang Korean na ina matapos ang 30 taon
Bumuhos din ang matinding emosyon dulot ng kasiyahan dahil anim na taong gulang lang si Nika nang huli niyang maramdaman ang mahigpit na yakap ng kaniyang yaya na itinuturing niyang pangalawang ina at best friend.
Sa Pilipinas isinilang si Nika pero lumipat ang buo niyang pamilya sa Amerika nang anim na taong gulang siya, at hindi na niya nakasama sa pag-alis ang kaniyang Yaya Erlina.
Nang mga panahong iyon, inihayag ni Nika na naging mahirap para sa kaniya na malayo kay Erlina dahil ito ang lagi niyang kasama sa mga panahon na abala sa trabaho ang kaniyang mga magulang.
"It was me and my yaya for a lot of the time. And she was may best friend. And all of my childhood memories are with her," ani Nika, na 34-anyos na ngayon at may sarili na ring pamilya.
Ayon kay Nika, minsan na siyang bumalik sa Pilipinas pero tila naging mahiyain daw si Erlina noon na ayaw magpakita sa kaniya.
Kaya nang muli siyang magkaroon ng pagkakataon na umuwi, nagpasya si Nika na hindi na makakatanggi si Erlina dahil pupuntahan niya ito anuman ang mangyari.
Nagpatulong daw siya sa kaniyang lola na nasa Bacolod para alamin kung nasaan ang kaniyang yaya.
"This time I didn't really give her a choice," natatawang sabi ni Nika. "I told my lola we're coming, we're coming, I need you to find where she is and we're going to be there."
Kaya nang mangyari na ang halos 30 taon niyang hinintay, ipinadama ni Nika ang pananabik sa kaniyang yaya, ganoon din naman si Erlina sa kaniyang dating alaga.
"It's hard to put into words because that moment, you're seeing online is basically the result of like a very close to like a mother-daugther bond in some ways right? Like she kind of like adopted me to be like her daughter," ani Nika.
Kahit halos 30 taon na ang nakalipas, hindi raw nabago nang matagal na panahon ang matibay nilang koneksiyon sa isa't isa.
Ramdam daw ni Nika ang mga sakripisyo ni Erlina nang makita niya itong muli.
"I saw in her that she remembered and I remembered so many things that almost like your heart remembers. Like how it feels, like that's kind of what it is," pagbahagi ni Nika.
"It's like I only knows so many details in my recollection but like the way my heart remembers and how it feels to be cared for that level is something that you just don't ever forget and vise-versa for a mother too," patuloy niya.
Ang mensahe ni Nika kay Yaya Erlina, "A message to Yaya Erlina is I would say a great part of who I am today is owned to her.
Samantalang ang mensahe naman niya para sa lahat ng mga yayang Pilipino sa buong mundo, "Never underestimate the value of what you do. Because I think it's one of the most important jobs."
"Because there's nothing like loving a child that can inspire a child to be all they can be. And so thank you for everything you do," ayon kay Nika.-- FRJ, GMA Integrated News