Dahil sa pagiging mapusok at pasaway noong kanilang kabataan, nakulong ng ilang taon ang magkasintahang Carmella at Kieth. Ang naturang dagok sa kanilang buhay ang ginamit din nilang inspirasyon upang makabawi sa kanilang paglaya.
Sa programang "Good News," ikinuwento nina Carmella at Kieth na nagkakilala sila at naging magkasintahan noong high school pa lang sila.
Naging masaya ang kanilang pagsasama pero dahil sa pagiging mapusok at naging pasaway noong kanilang kabataan, natuto silang magbisyo at gumamit ng ilegal na droga.
Ang pagkakasangkot sa ilegal na droga ang naging dahilan para makulong ang magkasintahan. Naging malaking pagsubok ito sa pamilya ni Carmella, na menor de edad pa noon.
Napunta sa pangangalaga ng DSWD si Carmella, ang diretso naman sa regular na piitan si Kieth, na nasa hustong edad na.
Ngunit kahit nakakulong sa magkaibang lugar, nagpatuloy pa rin ang kanilang komunikasyon sa pamamagitan ng pagsusulatan.
"Once a week dadalaw yung mother ko may dala po siyang [na] sulat [galing kay Kieth] may dala rin akong sulat para sa kaniya. Iniipon po namin, bale seven letters every week," kuwento ni Carmella.
Sa kulungan, napagnilayan nina Carmella at Kieth ang nagawang pagkakamali at nagsisi. Nangako silang nagbagong-buhay at babawi kapag nakalaya na.
Si Carmella, aminadong napagtanto niya sa loob ng kulungan at labis na pinagsisihan ang panahon na hindi siya nakinig sa payo ng kaniyang mga magulang.
Nakalaya si Kieth matapos ang isang taong pagkakakulong. Habang si Carmella, tumagal ng tatlong taon sa DSWD.
Nang makalaya, naghanap sila ng trabaho at nang makaipon, pinasok na nila ang pagnenegosyo.
Unang nilang sinubukan ang pagtitinda ng frozen food, at kinalaunan ay nagtinda rin sila ng iba't ibang gamit sa tuwing nadadagdagan ang kanilang puhunan.
Ngayon, may negosyo na sina Carmella at Kieth na mga sasakyan, kainan at condo rental. Kaya dating magkasintahan na dating mga nabilanggo, milyonaryo na ngayon.
Tunghayan sa video ang kanilang kuwento ng pagbabago, pag-ibig at tagumpay. -- FRJ, GMA Integrated News