Mistulang bumalik sa pagkabata at humagulgol ang pulis na si Oh Jun Young, o Julius Manalo, kapatid sa ama ng aktor na si Jay Manalo, nang makita na niya at mayakap ang kaniyang Korean na ina na mahigit 30 taon niyang hindi nakasama.
Sa panayam ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Julius, isinilang sa South Korea pero lumaki sa Tundo, na nagkakilala sa Korea ang kaniyang ama na si Eustaquio na isang musician, at kaniyang ina na si Oh Geum Nim.
Gayunman, hindi naging maayos ang pagsasama ng kaniyang mga magulang sa Korea. At nang dumating ang panahon na kailangan nang umuwi ng Pilipinas ang kaniyang ama noong 1993, isinama siya ng kaniyang ama at nanirahan sila sa Tundo.
"Pinakita naman po ng tatay ko kasi sa nanay ko nun na inaalagaan niya ako nang maayos. So nagtiwala po 'yung nanay ko sa tatay ko na dalhin ako sa Pilipinas," kuwento ni Julius, na nasa anim na taong gulang pa lang noon.
Ayon kay Julius, hindi sinabi sa kaniya na uuwi sila sa Pilipinas, at sa halip ay sinabihan siya na magbabakasyon lang sila sa Amerika.
"So pagdating ko ng Pilipinas, ang unang talagang nagulat ako nu'ng inamin na sa akin ng tatay ko na, 'Hindi ka na babalik ng Korea.' So s'yempre bilang bata na ayoko sanang pumunta ng Pilipinas at makasama 'yung nanay ko na lang sana. Sobrang naglulupasay ako nun, nag-iiyak ako nu'n," kuwento ni Julius.
Lagi umanong itinatanong ni Julius sa ama kung kailan niya makikita ang kaniyang ina. Pero sinabihan siya ng kaniyang ama na mag-aral na mabuti para makita niyang muli ang kaniyang ina.
Mula nang dumating sa Pilipinas, sinabi ni Juluis na dalawang buwan lang silang nagkaroon ng komunikasyon sa kaniyang ina sa pamamagitan ng pakikitawag sa telepono ng kapitbahay.
"Second month pagtawag niya, parang meron na pong balita na binigay sa tatay ko. The reason why daw ako binigay sa tatay ko is dahil mag-aasawa ang nanay ko and ayaw ako ng mapapangasawa niya," ani Julius.
Nang sandaling iyon, nakaramdaman ng sama ng loob si Julius sa ina. Pero itinanggi naman ng ina ang maling hinala. Nang makapanayam ng "KMJS," sinabi ng ginang na mahirap ang mamuhay noon sa Korea na may kahalong lahi kaya ipinaubaya na niya kay Eustaquio ang anak.
Lumaki sa hirap
Hindi naging madali ang buhay nina Julius at Eustaquio sa Tundo. Kaya muling nagtrabaho sa ibang bansa ang kaniyang ama at nakitira sa kaibigan si Julius.
Naranasan din Julius na mangolekta ng mga bakal at iba pang bagay na puwedeng ibenta sa junk shop. Nagtinda rin siya ng mga basahan malapit sa LRT-Tayuman na gawa ng kaniyang ama.
"Kunwari kumita kami ng 250 pesos, automatic 'yung 200 dito po 'yun sa bahay. Tapos 'yung 50 po, 'yun po ang parang regalo sa akin ng tatay ko. Tapos mag-iiwan siya sa 200 ng magkano para unti-unti makaipon ulit kami ng pambiling retaso," kuwento niya.
"Kasi napagdesisyunan na rin ng tatay ko na hindi na siya aalis ng bansa kasi ayaw niya na ako iwan sa ganoong sitwasyon na parang awkward na nakikitira and parang hindi ka feel at home," patuloy niya.
Nang panahon na iyon, nagsisimula nang magkaroon ng career sa pag-aartista ang nakatatandang kapatid sa ama ni Julius-- si Jay Manalo. Nang malaman umano ng kaniyang kuya ang pagtitinda niya ng basahan, tinulungan siya nito sa kaniyang pag-aaral sa high school.
"In fairness po kay Kuya hindi naman siya 'yung pinabayaan kami na 'bahala kayo.' 'Pag may sobra siya talagang tumutulong din naman sa amin," sabi ni Julius.
Dahil sa paglalaro ng basketball, nakakuha ng scholarship sa kolehiyo si Julius, at naging pulis nang makapagtapos ng pag-aaral.
Nagkaroon na rin siya ng sariling pamilya, at may dalawa na siyang anak.
Pangungulila sa ina
Hindi naman tumigil si Julius sa paghahanap ng paraan upang makita muli ang kaniyang ina.
"Unang-una po akong nagkaroon ng access sa internet mga 1999 or 2000. So 'yun ang tinype ko pangalan ng nanay ko. Wala. Pangalan ng pinsan ko na kilala ko, wala. Every time ganun," kuwento niya.
Nagpupunta rin siya sa mga Korean store at nakikipagkaibigan sa mga may-ari nito na Korean upang makapagtanong at makakuha ng posibleng impormasyon kung saan niya makikita ang kaniyang ina.
"Ang dead end is privacy law. Na hindi sila basta puwede magbigay ng info kahit na meron kang names and address, kung saan na ba siya lumipat," paliwanag niya.
Hanggang isang araw, isang Korean na ahente ng water fiter installation ang kaniyang nakilala, na mayroon kakilalang Korean producer sa TV Chosun at nag-alok na ikukuwento ang kaniyang istorya ng buhay kung sakaling maging interesado ang programa.
"At that time, I was thinking about my mother. Even though I was staying in the Philippines, I sent her a picture every day, because I missed her. But Julius had not met his mother for 31 years," sabi ni Steven Huh, na tumulong kay Julius.
Iniere sa naturang TV station sa Korea ang larawan ng ina ni Julius sa pag-asang may makakakilala sa kaniya. Hanggang isang araw, nakakuha ng impormasyon ang TV station.
"Ang unang reaction nung nanay ko is, 'Kumusta siya and OK ba siya?' So parang kahit kinakabahan ako na baka hindi niya ako kitain. Although nakita ko na siya, nung pinapanood parang may kaba pa rin eh. Tapos pumunta po sila doon sa bahay ng nanay ko," ani Julius.
Sa panayam ng KMJS, ikinuwento ng ina ni Julius ang mabigat na desisyon niya na ipaubaya ang anak kay Eustaquio.
"When Julius was gone, it hurt so much. I prayed every day, and never forgot about him. I wished that his dad's life would be better than mine. It makes me tear up," saad niya.
At nitong nakaraang Setyembre, lumipad pa-Korea si Julius at naganap na ang matagal na niyang inaasam na muling makita at mayakap ang kaniyang ina.
"Pagtingin ko po may babaeng lumalakad. Nu'ng nakita ko po 'yung mukha, naaninag ko, doon ko napatunayan na meron palang lukso ng dugo na parang, 'Nanay ko 'yun! Alam kong Nanay ko 'yun!' So wala po talagang script 'yun. Talagang napasigaw na lang ako sa kanya na, 'Eomma!,'" ani Julius.
"Habang tumatakbo ako na parang pakiramdam ko nawawala uniporme ko ng pulis, nagiging uniform ng basketball then mawawala, magiging college student, high school student, elementary. Then, darating 'yung point na bumalik kami sa airport [noong bata ako nang mawalay sa kaniya," dagdag niya.
Tunghayan sa video ang nakaaantig na pagkikita nina Julius at kaniyang ina na tila isang tagpo sa Koreanobela. Panoorin at alamin kung ano ang kanilang plano ngayong nagkita na silang muli. -- FRJ, GMA Integrated News