Bilang isang ring manager, nagbigay ng kaniyang pananaw si Boy Abunda sa naging viral performance ni Julie Anne San Jose sa loob ng isang simbahan.
Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, sinabi ng King of Talk na may makukuhang aral ang lahat para sa ikabubuti ang nangyaring insidente .
Pinuri niya si Julie Anne dahil sa hangarin nito na tumulong sa simbahan sa naturang fundraising event.
"Nung napanood ko 'yung video, si Julie Anne San Jose kasi for her stature, and she's one of the biggest talents in the music industry today, sa kaniyang stature sabi ko parang nakakabilib naman 'tong si Julie Anne. She still does these fundraisings for churches," ani Tito Boy.
Sa video na nag-viral, makikita si Julie Anne na umaawit ng "Dancing Queen" sa altar ng Nuestra Señora del Pilar Parish. Puna ng ilang nakapanood, hindi akma sa lugar ang kanta at suot ni Julie Annie na gown na may high slit.
"I know it was wrong, I agree with the public reaction na parang inappropriate 'yung venue," sabi ni Tito Boy.
Ibinahagi rin ng TV host ang kaniyang naging karanasan sa katulad na insidente na magtatanghal ang kaniyang mga talent sa Bicol.
Kuwento ni Tito Boy, dumating sila sa venue sa mismong araw ng concert at doon lang nila nalaman na gagawin ito sa loob din ng isang simbahan.
Hiniling umano ni Tito Boy noon na sa labas ng simbahan magtatanghal ang kaniyang mga talent.
"I haven't spoken to Julie, kasi puwede ring dumating ka, nalaman mo na sa loob ng simbahan, do you actually have the time to change your repertoire, to change her clothes?" saad ni Tito Boy.
Nilinaw ng TV host na hindi siya naghahanap ng excuse pero may mga pangyayari na hindi inaasahan sa mismong lugar--lalo na ng mga artist o mangtatanghal.
"For everything that had happened, lahat ng leksyon na natutunan, makikita ho natin na lahat ng gumalaw na tao dito sa kuwentong ito ay may magandang intensyon at may magandang puso," ayon kay Tito Boy.
Nitong Miyerkules, naglabas ng pahayag ang Sparkle Artist Center at inako nila ang buong responsibilidad sa insidente.
Humingi ito ng paumahin sa publiko, at maging kay Julie Anne na sinabi nilang ginampanan lang ang kaniyang "duties and commitment as a true professional."
Nitong Huwebes, naglabas din ng kaniyang pahayag si Julie Anne at humingi rin ng paumahin. Tiniyak na hindi na iyon mauulit.
Maging ang Apostolic Vicariate of San Jose sa Mindoro, ang Nuestra Señora del Pilar Shrine, at ang parish priest na si Rev. Fr. Carlito M. Dimaano, naglabas din ng pahayag para akuin ang "full responsibility for all that happened" sa naturang event. —FRJ, GMA Integrated News