Sa halip na pagkakitaan, ibinabahagi sa mga kapitbahay ng isang mangingisda sa Davao ang mga nakukuha niyang naglalakihang sea cucumber o "bat" sa dagat na tila higanteng uod. Ito ay kahit pa hindi sumasapat kung minsan ang kaniyang kinikita para sa kaniyang pamilya.
Sa isang episode ng programang "Good News," sinabing pangingisda ang nakalakihang hanapbuhay ni Gerry Mosli, na bumuhay sa kaniyang asawa at tatlong anak.
Gayunman, may mga araw daw na wala silang mahuling isda kaya naisipan na rin niyang mamasada ng tricycle. Pinasok din niya ang vlogging na pangingisda ang ginawa niyang content.
Sa kaniyang pangingisda, ang pagkuha ng sea cucumber o bat ang nagiging pantawid-gutom nila kapag walang nahuling isda. Maaari kasing gawing ulam ang bat.
Ang kanilang karagatan, mayaman sa mga dambuhalang bat pero kailangan itong sisirin sa ilalim ng dagat.
Ang sobrang bat na kanilang nakukuha, sa halip na ibenta sa kapitbahay para pagkakitaan, ibinibigay ni Gerry nang libre.
Ang lasa raw ng bat, hindi nalalayo ang lasa sa karne.
Dahil na rin sa pagsisikap ni Gerry, nakakuha sa kaniya ng inspirasyon ang isa niyang anak na nagsikap din sa pag-aaral at pinagsabay din ang trabaho.
Ngayon, isa nang call center agent ang anak ni Gerry na katuwang na niya sa pagsuporta sa kanilang pamilya.
Bukod sa kilawin, maaari ding iluto na adobo ang mga bat. Panoorin ang buong kuwento sa video ng Good News.--FRJ, GMA Integrated News