Sugatan ang isang lalaki sa Indonesia matapos siyang atakihin at halos hindi tantanan ng isang baboy ramo na nakatakas mula sa isang event ng mga pig hunter.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing nakapuga ang baboy ramo sa hunting event na inorganisa ng Pig Hunting Sports Association.

Nagtatakbo ang baboy hanggang sa makarating sa isang palengke at nakalusot sa mga kabahayan kung saan niya pinuntirya ang isang lalaki na nasa labas ng bahay.

Pinagkakagat ng baboy ramo ang binti ng lalaki hanggang sa napatumba sa kalsada.

Tinangka naman ng ibang residente na saklolohan ang lalaki. Pinagpapalo nila at binato pa ng silya ang baboy.

Ilang saglit na tumigil ang baboy pero nang tangkain ng biktima na tumayo, muli siyang inatake ng hayop.

Kinalaunan, tumakas din ang baboy at iniwan na ang biktima. Hindi nabatid kung ano ang nangyari sa baboy ramo.

Pero ang kaniyang biktima, dinala sa ospital at inilipat kinalaunan sa mas malaking ospital dahil sa tindi ng mga tinamong sugat at kailangan siyang operahan.

Nangako na man ang organisasyon ng pig hunters na gagawa sila ng hakbang para hindi maulit ang insidente.--FRJ, GMA Integrated News