Dumalaw sa tahanan ng mga Kapuso sina Bea Binene at Louise delos Reyes bilang mga guest sa GMA talkshow na “Fast Talk with Boy Abunda.”
Sa episode ng programa ni Tito Boy nitong Martes, ibinahagi nina Bea at Louise, na dating kasama sa programang “Tween Hearts,” ang kanilang mga pinagkakaabalahan matapos umalis sa GMA.
Tinanong ni Tito Boy ang dalawa kung may pagsisisi ba sa kanilang bahagi ang pag-alis sa Kapuso network.
“Tito, regret, no,” sabi ni Bea.
Nagpapasalamat si Bea sa 18 taon na pagiging bahagi ng GMA dahil marami siyang natutunan.
“Siguro po, siyempre tayo we always want to explore and widen our reach, you know, the opportunities ganiyan,” paliwanag niya.
Ayon kay Bea, ang Viva ang namamahala ngayon sa kaniyang career at may mga freelance work siyang ginagawa.
Bago mag-pandemic nang huli raw siyang nagpunta sa GMA building.
“I’m still very grateful, it’s really nice to see everyone here kasi naging tita, ate, kuya ko na po sila,” ani Bea.
Ibinahagi rin ni Bea ang naramdaman niya nang umalis siya sa tinatawag niyang comfort zone.
“Kasi when I transferred, and sometimes it’s nice to have that sense of familiarity, ‘di ba?” saad ng aktres. “And sometimes you just miss being here, you just miss the company here because my friends are here. Again, this was like my comfort zone, this was like my home.”
Sinabi naman ni Louise na walong taon na ang nakalilipas nang huli siyang bumisita sa GMA. Hindi naman niya itinago na nagkaroon siya noon ng regrets.
“Pero ‘yung mga regrets kasi na ‘yon parang nagkaroon ako ng—parang naging OK na ako doon. Kasi kung hindi dahil doon sa mga ginawa ko before, hindi ako maging si Louise ngayon. Lahat ng pagkakamali ko noon, lahat ng wins ko nung time na ‘yon, eto ako,” pahayag niya.
Nagpapasalamat din si Louise sa mga oportunidad na ipinagkaloob sa kaniya ng GMA.
“Iba ‘yung tibok ng puso ko kapag sinasabing GMA at kapag nakikilala ako na from GMA. Iba din ‘yung saya,” dagdag ni Louise.
Bukod sa “Tween Hearts,” kabilang sa mga naging proyekto ni Bea ang “Luna Blanca,” “Hanggang Makita Kang Muli,” at “Kapag Nahati ang Puso.”
Habang bumida noon si Louise sa “Alakdana,” “One True Love,” “Mundo Mo’y Akin,” at iba pa.
Matapos umalis sa GMA, kumuha si Bea ng culinary course, nag-enroll sa executive education courses, at nag-aral ng Korean at Mandarin languages.
Nag-aral din si Louise at head pastry chef ngayon ng isang cafe, bukod pa sa kaniyang showbiz career.— FRJ, GMA Integrated News