Dahil naging dating magka-loveteam at close na magkaibigan, tinanong si Louise delos Reyes kung humantong ba sa romantikong relasyon ang ugnayan nila noon ni Alden Richards.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, magkasamang naging bisita sa programa sina Bea Binene at Louise, na kasali noon sa dating GMA teen show na Tween Hearts at Teen Academy.

"Naging kayo ni Alden?," tanong ni Tito Boy kay Louise.

"No," tugon ng aktres.

Paliwanag pa ng aktres, "Kasi may pumasok na po agad na nanligaw na pursigido."

Aminado si Louise na naapektuhan siya noon sa loveteam nina Alden at Maine Mendoza na "AlDub" dahil nadadawit ang pangalan niya.

"Pero ngayon kasi nasa posisyon, especially ako na better headspace, dati kasi siyempre iniisip mo 'Ano ba 'yan bakit palaging dinadawit ako?' Lahat na lang ng sabihin ko mali," sabi ni Louise.

"Kasi dinadamay ang nanay ko, family ko," pagpapatuloy niya.

Ngayon, sinabi ni Louise na nauunawaan na niya ang pinanggagalingan ng ilang fans ng AlDub.

"Ngayon, naiintindihan ko where they are coming from. So mas okay na ako ngayon in terms of handling those kinds of [bashing]," sabi ni Louise.

Nagkatambalan sina Alden at Louise sa "Alakdana" noong 2011, "One True Love" noong 2012, at "Mundo Mo'y Akin" noong 2013.-- FRJ, GMA Integrated News