Isang prototype ng portable fire exterminator ang binuo ng ilang estudyante sa Mindanao na panlaban sa sunog dahil kaya umano nitong pumatay ng apoy gamit ang sound wave energy.
Sa segment na "Game Changer" sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing tanging sound waves lang at walang tubig o ano mang kemikal na sangkap sa portable fire exterminator para patayin ang apoy.
Kaya naman hindi na mababasa o madudumihan ng kemikal ang loob ng bahay kung magiging epektibo ang portable fire exterminator na nilikha ng mga electrical engineering students mula sa University of Mindanao.
Sa halip, mamamatay ang apoy kapag itinutok ang device sa pamamagitan ng lilikhain nitong shock waves na mula sa sound vibration.
Sa isang simpleng eksperimento, isang lighter na may sindi ang namatay ang apoy nang itapat sa speaker ng isang amplifier.
Ayon kay engineer Francis James Bagol, ang nabuo nilang shock wave fire exterminator device ay nakatuon para sa nagsisimula pa lang na apoy upang maagapan ang sunog.
Ang naturang device ay maaari umanong ikabit sa kisame at magbubukas kapag naka-detect ng sunog o apoy para patayin nito.
Sa ngayon, masusi nilang pinag-aaral ang disenyo ng kanilang device at range o layo ng buga ng sound waves upang makita ang bisa nito bilang pamatay ng apoy.
Pero kahit sound waves ang nililikha ng kanilang produkto, tiniyak na ligtas pa rin ito sa pandinig ng tao na nasa ang 80 decibels lang ang tunog.
Sa ngayon naipa-patent na nila ang kanilang proyekto na nanalo sa 2021 Regional Invention Contest and Exhibits sa Regional XI ng DOST, at sa 2022 National Invention Contest and Exhibits. --FRJ, GMA Integrated News