Tila eksena sa isang maaksyong pelikula ang ginawang pagligtas ng dalawang tauhan ng Macom Country Sheriff's office sa Michigan, USA sa matandang driver ng isang pickup truck na nagkaroon ng medical emergency habang nagmamaneho sa highway.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang pickup truck na pagewang-gewang ang takbo sa highway at may pagkakataon pang sumampa sa gilid ng daan.
Ayon sa Sheriff's Office, nakatanggap sila ng tawag na mayroong isang pickup na hindi maayos ang takbo sa highway kaya nirespondehan ito ng babaeng Deputy Sheriff na si Nicole Miron, at sa kasamahan niyang si Deputy Anthony Gross, na siyang nagmamaneho ng mobile patrol.
Nagpatunog ng sirena ang dalawa para maalerto at pahintuin ang driver ng pickup. Pero nang hindi ito huminto, tinapatan nina Miron ang pickup at doon nila nakita na tila tulala ang driver nitong lalaki na napag-alaman kinalaunan na 63-anyos.
Hindi na nilubayan nina Miron at Gross ang pickup na kaniyang sinabayan nila ito sa takbo. Nang makakuha ng tiyempo si Miron, lumabas siya ng bintana mula sa sinasakyang mobile car, at pumasok naman sa bintana ng pickup.
Kaagad na inabot ni Miron ang handbreak ng pickup para mapatigil. Doon na nila nalaman na nagkaroon ng "medical emergency" ang driver.
Hindi na idinetalye pa ang sakit ng driver pero sinabing nasa maayos na itong kalagayan at wala namang ibang nasaktan sa insidente.
Marami ang humanga sa kagila-gilalas na ginawa ni Miron, at sa kaniyang kasamahan na si Gross, na dalawang linggo pa lang sa trabaho.-- FRJ, GMA Integrated News