Inanunsiyo ng cardiologist na si Dr. Willie Ong, ang health advocate na tumakbo sa pagka-bise presidente noong Eleksyon 2022, na mayroon siyang cancer at stress umano ang isa mga dahilan nito.
Sa programang "Unang Hirit," ipinaliwanag ni Dr. Herdee Luna, President ng Philippine Society of Oncologists, na ang canser ay ang abnormal na paglago ng mga selula at tissue sa katawan. Sa halip na kontrolado ang paglago ng mga ito, ang mga ito ay maaaring lumaki, kumalat at magkaroon ng komplikasyon.
Binanggit ni Dr. Luna na ang cancer ay depende sa "cancer site" sa katawan. Halimbawa, ang lung cancer ay dulot ng paninigarilyo at air pollution na may taglay na mga "carcinogenic."
Puwede ring magdulot ng cancer ang pagkain ng mga processed at ultra-processed food, at viruses o chronic o matagal nang impeksiyon gaya ng human papilloma virus.
Sa kaniyang vlog, sinabi ni Doc Willie na ang kaniyang cancer ay dulot ng mga bashing na kaniyang natanggap noong tumakbo siya sa politika.
BASAHIN: Isko Moreno, humiling ng dasal para kay Doc Willie Ong na nakikipaglaban sa sakit na cancer
Pero ayon kay Dr. Luna, na hindi pa napatutunayan sa mga pag-aaral na nagiging sanhi ng pagdevelop ng cancer ang stress.
"Hindi naman napatunayan sa mga pag-aaral na ang stress ay kaugnay sa pag-develop ng cancer. Meron po how you react o paano tayo mag-responde sa stress," anang doktora.
"So merong iba, umiinom ng alak, nagsisigarilyo, kaya po nagkaroon ng habit na hindi healthy. So 'yan po ang ilan sa posibleng cause ng damage or pag-trigger ng normal cells at mag-cause ng cancer," sabi niya.
May "healthy" na paraan para labanan ang stress, kagaya ng running, yoga, meditation, na nagdudulot ng hormonal balance.
Ayon kay Dr. Luna, maaaring magkaroon ng kanser ang kahit na anong organ o parte ng katawan, ngunit pinakamadalas ang breast at lung cancer.
Dagdag niya, maaari pa ring magkaroon ng lung cancer dahil sa second-hand smoke, o usok na nalanghap mula sa isang tao, o third-hand smoke, o usok na nagmula sa ibang bagay.
Binanggit ni Dr. Luna ang pahayag ng European Society for Medical Oncology (ESMO) na ang air pollution ay isang "alarming concern."
Sa isa namang Taiwanese study karamihan ng mga hindi naninigarilyo ang nada-diagnose ng lung cancer dahil sa non-smoking related causes.
May apat na stage ang kanser, mula early o lower na nagagamot pa, hanggang stage 4 na kadalasang kalat na sa ibang parte ng katawan ng tao.
May ilan ding kaso na maaaring bumalik ang kanser ng mga cancer survivor.
Ilan sa posibleng dahilan nito ang kahinaan ng immune system ng pasyente at dagdag na risk factor at environmental factors tulad ng air pollution, smoking at alcohol.
May mga makabago nang gamot para sa kanser, at kabilang ang surgery, radiation, chemotherapy, biologic therapy at targeted therapy.
Tunghayan sa video ng "Unang Hirit" ang tips para maiwasan ang kanser. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News