Nagambala ang buhay ng isang babae matapos niyang mapanaginipan ang isang lalaking itim, na nagkagusto umano sa kaniya at sumapi na rin kinalaunan sa Batangas. Matulungan kaya siya sa isang manggagamot na dinadayo sa lalawigan na kaya umanong magpagaling ng kakaiba at malulubhang sakit.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ng dalagang si Laralyn De Lara na nag-umpisa ang lahat noong mangupahan sila sa isang resort sa Talisay noong nakaraang taon.

"Noong una kasi po, nananaginip na po talaga ako. Malaki po siyang tao na itim lang siya, as in nakakatakot 'yung hitsura. Ang mukha niya galit na galit," kuwento ng dalaga.

Kalaunan, nagpakita na rin diumano sa kaniya ang nilalang.

"Dito lang sa house na ito. Siya po ulit, pero ang pogi niyang lalaki pero itim," sabi niya.

Upang takasan ang nang-iistorbo sa kaniyang kapre, ilang ulit nang lumipat ng tirahan si Laralyn, ngunit hindi siya nito tinitigilan.

"Natutulog po ako. Napanaginipan ko siya. Ang laking tao na gusto akong yakapin. Siguro may gusto siya sa akin," sabi ni Laralyn.

Kaya naisipan na ni Laralyn na lumapit kay Apo Philip Apollo, na gumagamit ng isang armas na malaki at mahabang kahoy na itim na kung tawagin ay "Dignum."

Sa isang video, mapanonood na pinapikit ni Apo Philip si Laralyn.

Ilang saglit lang, kinausap na ng manggagamot ang sumapi umanong elemento sa kaniya. Kalunan,biglang nanlisik na ang mga mata ni Laralyn.

"Masakit! Tama na! Tama na! Lulubayan ko na! Tama na!" sigaw ng dalaga.

Gayunman, tila pumalag pa ang kapre umano na nasa katawan ni Laralyn.

"Akin lang 'to. Mahal ko siya!" sigaw ng elemento umano sa katauhan ng babae.

Dahil dito, ginamitan na ito ni Apo Philip ng kaniyang Dignum, idinikit sa katawan ni Laralyn saka nagdasal ng "Sa kapangyarihan ng Panginoong Yahweh dadaloy ang kidlat sa iyo!"

Matapos nito, tila tuluyan nang nanghina ang sumapi di umanong kapre.

Makalipas ang isang araw nang siya ay magpagamot, tuluyan nang nilubayan ng kapre si Laralyn.

Nang mag-alay si Laralyn, muli niyang nakita ang kapre sa may puno ng atis na may sugatang mukha umano.

Pero hindi lang ang mga misteryosong karamdaman ang kaya raw pagaling ni Apo Philip, dahil maging ang mga may malulubhang sakit ay lumapit sa kaniya.

Tunghayan sa KMJS ang kuwento kung paano nadiskubre ni Apo Philip ang kapangyarihan niyang manggamot, at ano naman ang sinasabi ng siyensiya at Simbahan tungkol dito. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News