Umani ng papuri si Rochelle Pangilinan sa "intense" niyang eksena sa "Pulang Araw" na hahalayin siya ng mga sundalong Hapon. Ang isang netizen, napamura sa kaniyang galing sa pag-arte.
Sa Instagram, ipinost ni Rochelle ang screenshot ng DM ng isang supporter na pumuri sa kaniyang pagganap sa naturang eksena na napanood sa episode ng "Pulang Araw" nitong Martes ng gabi.
Saad sa mensahe: “Hi Rochelle. Gusto ko lang murahin ka sa napakagaling mong pagganap sa Pulang Araw. T-ng inaaaaaa! Iba ka!”
May kasamang clapping at facepalm emojis ang naturang mensahe.
Naglagay naman si Rochelle caption sa kaniyang post na nagsasaad na, “KALMAAA! Pero maraming salamat. Kasing intense ng iyong papuri ang eksena.”
Patuloy pa niya, “Inappropriate ‘yung words pero naiintindihan ko kasi sabi nga ng iba ang hirap hanapin ng salita para idescribe ang hirap at pasakit na dinanas ng ating mga kababayan nung panahon ng Hapon!”
Ipinapakita sa naturang episode ang kalagayan ng mga naging "comfort women" noong panahon ng digmaan.
Kasabay nito, inimbitahan ni Rochelle ang publiko na patuloy na panoorin ang “Pulang Araw.”
“Marami pang mas mabibigat na eksena na talaga namang mapapamura kayo!” saad niya.
Ginagampanan ni Rochelle ang karater ni Amalia Dimalanta-Torres, ang tiyahin nina Adelina (Barbie Forteza) at Eduardo (Alden Richards).
Sa naturang episode, bibisitahin sana ni Amalia ang nakakulong niyang asawa na si Lauro (Neil Ryan Sese), pero pag-iinteresan siya ng mga sundalong Hapon at hahalayin. —FRJ, GMA Integrated News