Desidido ang dalawa sa limang naging "sex slave" umano ni Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy na tumestigo laban sa religious leader, ayon sa hepe ng Davao City Police.
“Doon sa five, ang dalawa ang decided talaga na mag-testify. Yung tatlo nag-iisip pa,” ayon kay Davao City Police chief Police Colonel Hansel Marantan sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Biyernes.
“We cannot force them kasi by forcing them baka they might be reminded of Quiboloy ka pala e, pino-force mo kami,” dagdag niya.
Patuloy umano ang komunikasyon ng pulisya sa mga sinasabing biktima, sa tulong ng mga eksperto sa kanilang sitwasyon.
Ayon kay Marantan, ginamit umano ni Quiboloy ang mga biktimang menor de edad at may kaniya-kaniyang araw ng schedule sa bawat linggo.
BASAHIN: PNP sa sumbong umano ng 5 bagong biktima: Pakikipag-sex kay Quiboloy, pases sa langit
“At the average, 12 to 13 years old na nag-start sila as, well I call it sex slaves, sex slaves sila ni Quiboloy. Kasi grabe ang attraction ni Quiboloy sa mga minors na ito, that is why I called him a pedophile,” anang opisyal.
Nauna nang itinanggi ng isa sa mga abogado ni Quiboloy na si Atty. Mark Tolentino, ang paratang at kompiyansa siya na mababasura rin ang mga kaso laban sa kaniyang kliyente.
Iginiit niya na "planted" ang mga sinasabing bagong biktima, at hindi umano magagawa ni Quiboloy ang ipinaparatang na mang-abuso ng mga bata.
Samantala, sinabi ni Marantan na mayroon pang mahigit 15 menor ded ang kailangang sagipin mula sa KOJC compound sa Davao City.
“Sabi ko, 15. Meron akong listahan noong we were about to assault the Bible study building,” sabi ni Marantan.
Samantala, sinabi KOJC legal counsel Atty. Israelito Torreon, na pawang alegasyon pa lang ang mga ibinabato kay Quiboloy.
“Those are still in the realm of allegations which have yet to be investigated, hence, we appeal to the PNP NOT to subject the said new allegations to so much publicity,” saad ni Torreon sa ipinadalang mensahe.
“After all, presumption of innocence is an important hallmark in our Bill of Rights, hence, we earnestly request the PNP to stick to that fundamental principle in our rule of law,” dagdag niya. — mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News