Labis ang kaba ng isang OFW sa Taiwan na bina-vlog ang kaniyang sarili sa loob ng isang tren, nang biglang sumara ang pinto nito at umandar kaya naiwan sa labas ang kaniyang cellphone. Makuha pa kaya niya ang cellphone?
Sa For Your Page ng GMA Public Affairs, mapanonood ang awra kung awra na si Revo Odiza sa isang estasyon ng tren.
Pero bago sumampa sa tren, ipinuwesto muna ni Odiza ang kaniyang cellphone sa labas para makuhanan ang pagpasok niya sa sasakyan.
Nagpo-pose na si Odiza sa loob ng tren nang tila mapasarap siya hanggang sa bigla na lang nag-signal na magsasara na ang tren.
Sa gulat ni Odiza, napatigil siya sa kaniyang pagpo-pose, ngunit tuluyan na siyang nasaraduhan ng pintuan at maiwan ang kaniyang cellphone sa labas.
"Talagang grabe po 'yung kaba ko po nu'n," sabi ni Odiza.
Sa kabutihang palad, may kasamang kaibigan na nagbi-video si Odiza.
"Nagba-vlog po kami ng kaibigan ko. Tapos sabi ko po sa kaniya isunod niya po sa akin 'yung cellphone ko. So pagsakay ko po sa train, tinrap niya po ako na hindi na po siya sumakay kaya nakikita niya po, tumatawa po ako roon" kuwento niya.
"Pero ninenerbyos po ako kasi wala po siyang sinabi kung saan kami magkikitang station," dagdag ni Odiza.
Kaya naman si Odiza, nataranta nang hindi sumunod ang kaibigan na pumasok ng tren lalo't hindi pa niya kabisado ang pupuntahan.
"Buti po may dala po akong tablet, nakontak ko po siya. Pero talagang grabe po 'yung kaba ko po noon," anang binata.
Muling nagkita ang dalawa sa sumunod na estasyon.
Sadyang hilig daw ni Odiza ang pag-video sa tuwing namamasyal.
"Marami pong nagsasabi na parang puro pasarap ng buhay. Pero para sa akin po kasi, 'yun po ang way para ma-appreciate mo na 'Ay, ito ka na pala. Kasi kapag araw-araw kang nagtatrabaho nakaka-burn out po eh. Sa amin po kasi, 12 hours kami sa work namin. Kailangan natin ng work and life balance," paliwanag ni Odiza.
Dahil sa pagba-vlog niya, naimbitahan na si Odiza sa mga event na itinuturing niyang break mula sa pagtatrabaho sa Taiwan.
"Bale hindi ko rin po in-expect na makakapagtrabaho ako rito sa Taiwan. Since wala rin po talaga kaming pera. Talagang survival lang po ang nangyari sa amin sa Pilipinas. Sinugal ko po lahat ng pera ko. Talagang nai-placement fee ko pa," sabi niya.
"Noong una, medyo nakalulungkot kasi, nakaka-miss 'yung pamilya natin tapos, kailangan po talaga ng tiyaga," dagdag ni Odiza.-- FRJ, GMA Integrated News