Sa kanilang pakikipagsapalaran sa ibang bansa para magkaroon ng maayos na buhay, halos kalahating milyon na umano ang populasyon ng mga Pilipino ngayon sa Dubai. Tuklasin ang "Al Satwa" na itinuturing "home away from home" ng mga kababayan dahil mistulang Pilipinas ang lugar.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing halos 30 kilometro ang layo ng Al Satwa mula sa sentro ng Dubai.
Kahit hindi Pilipino ang may-ari ng mga establisiyimento, inilalagay nila sa kanilang mga karatula ang mga salitang Pilipino gaya ng "Ukay-Ukay."
May restaurant din na "Luneta" ang pangalan, at may kainan na ang pangalan ay "Jeepney."
Ang isang bakery na pagmamay-ari ng Pinay na si Chaida Das, nagtitinda ng pan de coco, Spanish bread, cheese bread at pandesal. At ang kaniyang mga empleyado, mga Pinoy din.
Dekada 90 noong mag-umpisang manirahan ang mga Pilipino sa Al Satwa.
Inuupahan nila ang mga apartment na dating tahanan ng mga Emirati na piniling tumira sa tinatawag nilang New Dubai.
Ang taga-Alaminos, Pangasinan na si Jhomar Mendoza, ipinasilip ang inuupahan nilang apartment sa Al Satwa.
Sa kanilang apartment na kung tawagin ay "partition," isang bedroom unit ang hinati para magkaroon ng dalawang kuwarto. Bawat kuwarto, nilagyan ng divider na tela at plywood para magkasya ang tatlo hanggang apat na tenant.
Tunghayan sa KMJS ang hinaharap na pagsubok ng mga OFW sa kanilang pakikipagsapalaran sa Dubai, at ang inilalaan nilang mga sakripisyo para sa mga mahal sa buhay sa Pilipinas.-- FRJ, GMA Integrated News