Bago pa man maging isang maunlad at mayaman na bayan ng Dubai sa gitna ng disyerto, isang arkitektong Pinoy na nakipagsapalaran sa bahaging ito ng Gitnang Silangan limang dekada na ang nakararaan, na naging isa sa mga utak ng tagumpay ng lugar na ito sa United Arab Emirates.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," nakapanayam ni Jessica ang prominenteng arkitekto at Pinoy urban planner na si Jun Palafox.
"Dubai was life-changing. It's my architectural journey," sabi ni Palafox.
Dekada 70 nang mag-migrate ang pamilya ni Architect Palafox sa Dubai.
"Siguro 'yung airport ng Dubai probably 50 years behind our Manila International Airport," pag-alala ni Palafox.
Hanggang sa noong Disyembre 1976, ipinadala ang Sultan Khalifa ng Dubai upang hanapin siya.
"'Yung instruction ng rulers sa amin, make Dubai number one city," saad ni Palafox.
Inalok si Palafox na maging parte ng grupo ng mga urban planner at arkitekto na ang naging pangunahing proyekto ay bumuo ng isang lungsod sa gitna ng disyerto.
Si Palafox ang pinakabata noon sa kanilang grupo at bukod-tanging Pilipino. Maging siya, hindi makapaniwala sa naging tagumpay ng Dubai.
Ngunit sa kabila nang maayos niyang buhay sa Dubai, pinili pa rin ni Palafox na bumalik sa Pilipinas kahit pa pinipigilan siya ng mga kasamahan.
"Ang hirap ngang magpaalam. Pinuntahan pa kami sa bahay na 'Why are you leaving? Is there's something wrong?' Sabi ko 'Maybe it's about time I help my country,'" kuwento niya.
Kung nagawa ng Dubai na maging matagumpay, kaya rin kaya itong gawin ng Pilipinas? Alamin ang sagot ni Palafox, at masdan ang mga ipinakita niyang drawing sa pagpaplano nila sa siyudad ng Dubai mula pa noong 1978, ang Old Town at major activity centers gaya ng Burj Khalifa. Panoorin ang video ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News