Isang Pakistani na mahigit dalawang dekada nang nagtatrabaho bilang driver sa Dubai ang tuwang-tuwa sa tuwing mga "kabayan" na Pinoy ang kaniyang nagiging mga pasahero. Kaya naman natuto na rin siyang mag-Tagalog, at tinawag ang sarili bilang si "Taxi Pabebe."
Sa pagpunta ng programang "Kapuso Mo, Jessica Soho" sa Dubai, nakilala ni Jessica ang Pakistani national na si Biradar Shah.
"Ako ay naggala-gala rito sapagkat madami 'yung kababayan ko," sabi ni Biradar.
Libangan ng 50-anyos na si Biradar ang pagba-vlog para hindi siya mabagot sa pamamasada.
"Basta ako araw-araw masaya-masaya," sabi niya.
Inilahad ni Biradar kung paano siya natutong mag-Tagalog, at kung bakit gusto niyang pasahero ang mga Pilipino.
"Kasi rito madami pasahero kabayan," sabi niya. "Kasi kabayan, sobra friendly. Walang masungit. Lahat palakaibigan and friendly. Kaya pala ako gusto ko, kabayan."
Kalaunan, ginawa na ring content ni Biradar ang pagsasalita ng wikang Filipino. Pamilyar din siya sa mga lugar sa Pilipinas kaya tinanong niya ang mga pasahero kung taga-saan sa Pilipinas.
Ikinuwento rin ni Biradar kung bakit "Taxi Pabebe" ang tawag sa kaniya.
"Dati, may isa akong pasahero, 'Give me one funny word.' Then he told me, 'When you have pasahero babae, you tell to her, 'Pabebe ka.' She galit, then you tell to her, 'tsarot lang,''" kuwento ni Biradar.
"So, after that, I like this word 'Pabebe.' Put my name, 'Taxi Pabebe,'" patuloy niya.
Hindi itinago ni Biradar ang kaniyang tuwa nang maging pasahero niya si Jessica.
"Lahat pasahero talking about you, 'Jessica mabait, Jessica mabait.' Nakita kita, ngayon ako, sobrang masaya,'" sabi ni Biradar.
"Hindi mo ako binobola?" birong tanong ni Jessica.
"Ay naku, ako sobra mabait, ako ay hindi sinungaling!" sagot ni Biradar, na mag-isa lang na namumuhay sa Dubai at may anim na anak.
Ayon kay Biradar, walang sahod ang mga taxi driver sa Dubai kundi mga komisyon lang.
Tunghayan sa "KMJS" ang pag-awit ni Taxi Pabebe ng paborito niyang Filipino song, at reaksyon niya nang sabihin ni Jessica na Ilocona siya. Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News