Sa birthday celebration ni Amy Perez sa "It's Showtime" nitong Huwebes, naging emosyonal si Karylle sa mensaheng ibinigay niya sa kaniyang tita na naging sandalan niya sa panahon ng pagharap niya sa mga pagsubok sa buhay.

Kasama ni Karylle na bumati kay Amy ang iba pa nilang co-host ng programa na sina Ogie Alcasid, Vhong Navarro, Jugs Jugueta, Teddy Corpuz, Darren Espanto, at Ryan Bang.

Ayon kay Karylle, totoong "tiya" niya si Amy dahil magkapatid ang ama ni Amy at lola ni Karylle.

“Maraming salamat. Hindi siguro alam ng lahat pero ang dami kong pinagdaanan recently and Tita Amy was completely there for me," ayon sa singer-actress.

"And I think, sa 'yo talaga ako humugot ng lakas. Napakahirap,” patuloy niya.

Kuwento pa ni Karylle, nang may malaman siyang malungkot na balita habang nasa It's Showtime, si Amy ang una niyang nilapitan.

“I found out my bad news here in Showtime and I knew exactly who to tell kasi hindi ko rin gustong sirain 'yung taping. Kasi kailangan nating magpasaya ng madlang people," sabi ni Karylle.

"Salamat, knowing that you're there for me everyday. Katulad nung pagkanta mo ng 'Jesus, Thank You,' naituro mo kay Seyah 'yung gratitude," patuloy niya.

Nitong nakaraang Agosto, pumanaw ang ama ni Karylle na si Modesto Tatlonghari.

Ayon pa kay Karylle, hindi lang siya ang tinutulungan ni Amy kung hindi ang lahat ng kasama nila sa programa.

“Palagi lang tayo nagiging magpagpasalamat sa Panginoon at sa bawat isang nandito sa atin. Dahil sa tinuro mong 'yan, thank you, I will always be grateful. You do so much for all of us here, mula sa gusto mong smooth na smooth ang show everyday. You really have given us so much love in your very small but many ways," patuloy ni Karylle.

“Bawat araw, ang dami mong ginagawa para sa amin. Kung merong may maliit na problema, alam nating may kakatok sa dressing room natin dahil ikaw ang talagang takbuhan namin sa bawat problema. So thank you. I don't even know how na-survive ko 'tong buwan na 'to pero largely because of you,” dagdag niya.

Nagpasalamat naman si Amy sa pagmamahal na ibinibigay sa kaniya ng mga kasamahan niya sa "It's Showtime."

Kung naging madamdamin ang mensahe ni Karylle para kay Amy, kasiyahan naman ang hatid ni Ryan. Panoorin ang video.-- FRJ, GMA Integrated News