Isang basurera noon na laki sa hirap sa Las Piñas, at dumaan sa maraming pagsubok sa buhay, ang nahanap ang matagumpay at naging milyonarya sa Dubai, United Arab Emirates dahil sa pagsisikap.
Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Jenifer Segalowitz, na sa barong-barong sila dati nakatira ng kaniyang pamilya.
Anim silang magkakapatid, at sa banig lang natutulog, at walang kuryente sa kanilang bahay.
Karpintero ang ama ni Jenifer ngunit nagkasakit. Kaya ang kinikita lamang ng kaniyang ina sa pananahi ang pinagkakasya para buhayin sila.
"Gustong gusto kong kumain kahit man lang tinapay, pero wala. Naranasan ko na piso ang baon sa school. Nakikita ko 'yung ibang estudyante, puting puti 'yung medyas nila samantalang ako, kupas na. May inggit at saka may lungkot," malungkot na balik-tanaw ni Jennifer sa kaniyang buhay noon.
"Bakit sila mayroong gano'n? Bakit kami wala?" pagpapatuloy ni Jenifer.
Kaya sa edad na lima, natuto nang mamulot ng basura si Jenifer na puwedeng pagkakitaan bago siya pumasok sa eskuwelahan.
Kamuntik pa siyang mapagsamantalahan sa kaniyang paghahanap ng basura.
"Kumatok kami sa bahay. Lumabas 'yung lalaki, parang lasing. Sabi niya sa akin, 'Halika, pasok ka sa kuwarto.' Tumakbo ako, iyak ako nang iyak," kuwento ni Jenifer.
Bukod dito, nakaranas din sila ng kaniyang mga kapatid ng pananakit mula sa kanilang ama kahit sa kaunting pagkakamali.
Para matakasan ang pagmamaltrato ng ama, namasukang kasambahay si Jennifer. Pero bagong kalbaryo ang dinanas niya nang akusahan siya ng kaniyang amo na nagnakaw ng pera at ipinakulong pa.
"Iyak ako nang iyak. Kahit mahirap kami, hindi kami tinuruan ng nanay namin magnakaw. Noong namatay 'yung tatay ko, sabi ko sa nanay ko, mag-a-abroad ako," kuwento niya.
Pagkarating sa Dubai, nagtrabaho bilang waitress si Jenifer at pumasok pa sa iba't ibang raket, gaya ng pagbebenta ng mani, kakanin at make-up. Naging kliyente niya ang mga kababayan din doon.
Naging dealer din siya ng encyclopedia, at naging kliyente ang isang kababayan, na kaniyang naging mister kalaunan.
Sa Dubai na sila ikinasal, nanirahan, at nagkaroon ng tatlong anak. Ngunit nagkalamat ang kanilang relasyon nang mawalan ng trabaho ang mister.
Nauwi pa pisikalan ang kanilang pagtatalo na humantong sa pagkuha ng lalaki ng kustilyo na labis na ikinatakot ni Jenifer.
Kalaunan, nauwi sa hiwalayan ang kanilang relasyon, at mag-isa niyang itinaguyod ang kanilang mga anak.
"Kahit hanggang ngayon naalala ko, ang hirap. Alam mo 'yung, bakit sila maayos 'yung buhay nila? Bakit ikaw, tatlo na trabaho mo pero hindi ka pa rin maka-survive? Kulang pa rin," naiiyak na sabi ni Jenifer.
Sa gitna ng kaniyang pagkalugmok, muli siyang nakatagpo ng pag-ibig sa katauhan ng Amerikanong si Doug Segalowitz.
Hanggang sa sumugal sa negosyo sina Jenifer at Doug, at itinayo ang isang Korean barbecue restaurant o Samgyupsalan, na unti-unti nilang napalago.
Mula sa buong araw na pamamasura na barya-barya lamang ang kinikita, umaabot ngayon sa P16 milyon kada buwan ang kinikita ni Jenifer sa kanilang samgyupsalan na nagdagdagan na ng branch.
Nakapagpundar na ngayon ng sariling bahay sa Dubai si Jenifer, pati ng mga ari-arian sa Pilipinas, kabilang ang isang three-story na bahay sa Pilipinas.
Pero sa kanila ng malaking kinikita, nanatiling simple sa pamumuhay sila Jenifer na hindi bumibili ng sobrang mamahal na gamit.
Tunghayan sa video ng KMJS ang emosyonal na pagbabalik ni Jenifer sa dati nilang tirahan sa Las Piñas, na nagpaalala sa kaniya sa sobrang hirap ng buhay na kanilang pinagdaanan.
Bukod sa hindi kinalimutan ni Jenifer kung saan siya nagmula, hindi rin niya kinalimutan ang tumulong sa iba na nangangailangan, gaya ng pagbibigay ng scholarship sa mga anak ng kasama nila sa simbahan. Panoorin at ma-inspire sa kaniyang kuwento.-- FRJ, GMA Integrated News