Nagsimula sa pagiging isang live seller ng mga ukay-ukay, isa na ngayong matagumpay na may-ari ng tindahan ng mga gintong alahas ang isang Pinay na naka-base sa Dubai, United Arab Emirates.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakilala si Mary Grace Alzate, may-ari ng Miss Fab Jewellery and Diamond Trading.
Presyong "kabayan" umano ang kaniyang mga paninda, at may mga ibinibenta rin siyang diamonds.
Umaabot ng nasa 10 milyong dolyar ang kaniyang pinakamahal na diamond, na mayroon pang blue diamonds.
Nagbebenta rin si Alzate ng mga pabango na may ginto, o 24 karat na gold perfume.
Pero bago ang tagumpay, dumaan muna sa mga pagsubok sa buhay si Alzate, na tubong-Abra.
"Pagka-graduate ko pa lang ng college, nabuntis na ako noon. Talagang struggle," kuwento ni Alzate.
Taong 2009 nang makipagsapalaran si Alzate sa Middle East upang may matustusan ang pangangailangan ng kaniyang mga anak na mag-isa niyang itinaguyod.
Una siyang nagtrabaho sa travel agency.
Kalaunan, umibig si Alzate sa isang banyaga at ikinasal sila.
Naging full-time housewife si Alzate, at nag-isip siya kung paano siya magkaroon ng sarili niyang income.
Taong 2016 nang subukan niya ang live selling ng mga ukay-ukay.
Sa kabila nito, hindi pa rin naging madali ang buhay abroad para kay Alzate dahil malayo siya sa dalawa niyang anak sa una niyang kinasama na naiwan sa Pilipinas.
"Pinaka-regret ko nga, hindi ako nakauwi noong graduation. 'Yun siguro struggle namin ditong mga OFW," emosyonal niyang sabi.
Nang magtanong ang kaniyang mga customer kung may ibinibenta siyang ginto, nagkaroon siya ng ideya na idagdag na rin ito sa kaniyang isasama sa live selling.
Hanggang sa pumatok ang pag-buy and sell niya ng gintong alahas dahil sa dami ng "miners."
Mula sa maliit niyang kuwarto, nagbukas na si Alzate ng sarili niyang gold store noong 2021.
At kung dati ay mag-isa lang siyang nagla-live selling, ngayon, mayroon na siyang 10 tauhan na makakasama sa pagbebenta.
Ang isa naman sa kaniyang anak, malapit nang maging doktor.
"Kinukuha ko sila rito. At 'yung anak ko, pinag-aral ko siya ng doktor. Dream niya na course. Ngayon, natutulungan ko na lahat ng mga kailangan ng mga family ko," sabi ni Alzate.
Mensahe niya sa iba, "Maging matiyaga lang at huwag mawawalan ng pag-asa." --FRJ, GMA Integrated News