Sa mga malalaking pagtitipon, kapansin-pansin ang malaking shades na suot ng sikat na Filipino fashion designer na si Michael Cinco, na kilala rin sa tawag na "M5." Alamin kung bakit lagi siyang naka-shades at ang kuwento ng kaniyang pagsisikap tungo sa tagumpay?
Sa pagpunta ng programang "Kapuso Mo, Jessica Soho" sa Dubai, kinamusta ni Jessica si Michael, na nakabase na ngayon doon, kung saan suki niya maging ang mga royal family sa Middle East.
Panglima sa walong magkakapatid, lumaki sa simpleng pamumuhay si Michael sa Catbalogan, Samar noong kaniyang kabataan.
Pagbahagi ng kapatid ni Michael na si Myla, "Noong mga bata kami, wala kaming electric fan. Meron lang kaming ilaw. Lagi lang po kami naglalakad 'pag pumapasok sa eskwela. Wala kaming sariling bahay."
Bata pa lang, pangarap na ni Michael na maging isang fashion designer. Ang naging "first client" niya, ang kaniyang ate na si Myla.
"Noong mga bata po kami, 'pag naglalaro ng mga Miss Universe, siya po 'yung nagdadamit sa akin. Mga kumot lang po 'yun. At tuwing walang pasok, nandu'n sila 'yung mga kaibigan niya. Naggugupit-gupit po sila ng mga paper dolls," kuwento ni Myla.
Ayon naman sa kaibigan ni Michael na si Jonathan Montejo, si Michael ang palaging gumagawa ng kanilang mga costume sa tuwing sumasali sila sa mga contest.
Gayunman, tutol ang kaniyang ama na si Benito sa pangarap ni Michael. Ngunit ang kaniyang ina na si Restituta, tanggap kung sino siya.
"Of course, when you're LGBTQ plus community, you always have problem with your parents when you're growing up," sabi ni Michael.
Pagtungtong niya sa kolehiyo, nag-aral si Michael sa Maynila at nakapagtrabaho sa ilan sa mga hinahangaan niyang designer.
Taong 1993 nang makipagsapalaran siya sa Saudi Arabia.
Taong 1997 nang mangyari ang kaniyang big break noong lumipat siya sa Dubai, at naging assistant designer sa isa sa pinakamalalaking fashion houses doon.
Ang kaniyang unang kliyente, isa sa mga royal family, at nagustuhan naman ang kaniyang mga gawa.
Sa pag-unlad ng kaniyang buhay, hindi pinabayaan ni Michael ang kaniyang pamilya sa Samar na pinatayuan niya ng mala-White House na bahay.
Sinagot din ni Michael ang tanong kung bakit palagi siyang naka-suot ng shades.
"I'm a very shy person. 'Pag maraming tao, 'pag nakita ka nila ang laki-laki ng salamin mo, so hindi sila makatawad. Kasi pagdating mo pa lang, walang tawad-tawad dito, madam," biro ni Michael.
"Actually, the real reason, I think in 14 years ago, talagang I had a very severe vertigo attack na akala kong mamamatay na ako. Sabi ng doctor ko na huwag ka daw masyadong ano sa mga maliwanag," saad niya.
Tunghayan sa KMJS ang magagarbong gawang wedding gowns at couture pieces ng pride ng mga Pinoy na si Michael. Magkano kaya ang mga halaga nito? Panoorin ang video.--FRJ, GMA Integrated News