Hindi naiwasan ng veteran actress na si Coney Reyes na maging emosyonal nang sagutin ang tanong kung ano ang kinatatakutan niya bilang isang ina.

"Bilang nanay, ano ang kinatatakutan mo," tanong ni Boy Abunda kay Coney na guest sa episode ng "Fast Talk With Abunda" nitong Lunes.

Sandaling nag-isip si Coney at sinabing, "Na makalimutan ako ng mga anak ko."

Ayon kay Tito Boy, nauunawaan niya ang isinagot ng aktres at ibinahagi ng King Of Talk na ipinagdasal niya noon na huwag sana siyang makalimutan ng kaniyang ina.

Sandaling natigilan ang dalawa, at sinabi ni Coney na nais niyang yakapin si Tito Boy, na kanila namang ginawa.

Mayroon tatlong anak ang aktres na sina LA at Carla Mumar, na anak nila ni Larry Mumar,  at si Pasig Mayor Vico Sotto, na anak nila ni Vic Sotto.

Nakatakdang bumida si Coney sa upcoming Philippine adaptation ng South Korean drama series na

"Shining Inheritance," kasama sina Kyline Alcantara, Kate Valdez, Paul Salas, at Michael Sager.
Sa naturang panayam, ikinuwento ng aktres kung bakit niya tinanggap ang proyekto kung saan gaganap siya bilang si Aurea De La Costa.

“My character is a restaurateur and may dementia ako dito and Alzheimer's. I'm always open to a challenge. Paano ko kaya gagampanan ito? I've played practically every kind of role, from mabait to mama-san to bar dancer,” paliwanag ni Coney.

“I wanted a new challenge. Siyempre, may edad na rin ako. Papunta na tayo sa age nung mga ganon so gusto ko makita paano ko i-attack 'yon,"dagdag niya. --FRJ, GMA Integrated News