Inihayag ng veteran actress na si Coney Reyes na hindi siya sa nakikialam sa love life ng anak nila ni Vic Sotto na si Pasig City mayor Vico Sotto.

Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, sinabi ni Coney na hindi rin siya nakikialam maging sa mga nais ipakilala sa kaniyang anak.

"Hindi ako nakikialam. Mayroong mga gusto, 'Tita, ipakilala natin si ganito si ganyan.' Sabi ko, 'Sorry 'di ako nakikialam.' Tapos sasabihin nila, 'Ang strict ni Tita.' Ay hindi sa strict! Hindi ako strict, kung strict ako e 'di bawal," paliwanag niya.

Sinabi rin ni Coney, na tumigil na siya sa pagtatanong kay Vico tungkol sa love life nito at kung kailan magpapakasal.

"Noong araw ginagawa ko, 'Do you have a girlfriend na? Do you like somebody?' Noon 'yon. Ayoko na," sabi ng aktres.

Gayunman, wala pa rin ipinapakilala sa kaniya o dinadalang nobya si Vico sa kanilang bahay.

"He had girlfriends, friends, mga classmates niya before, mga ganyan and they will all go out as a group. You know they will go out something like that for a break," saad ni Coney. "Pero hindi naman kasi ako ano eh, alam ko na I've raised my children in a way na they know that they have fear of God. They know what they are doing."

Ayon pa kay Coney, ikinagulat niya ang pagpasok ni Vico sa pulitika pero suportado niya ang desisyon ng anak.

"Medyo nagulat ako. Ako naman I respect his decisions. I know he doesn't make a decision overnight like that. Parang he consults, prays," saad ng aktres.

"I just want to encourage him because I know his on the right track," dagdag niya.

Nakatakdang bumida si Coney sa upcoming Philippine adaptation ng South Korean drama series na "Shining Inheritance," kasama sina Kyline Alcantara, Kate Valdez, Paul Salas, at Michael Sager. -- FRJ, GMA Integrated News