Muling naghiwalay ang Hollywood power couple na sina Jennifer Lopez at Ben Affleck matapos ang dalawang taon nilang pagsasama bilang mag-asawa.
Batay sa naglabasang mga ulat, naghain ng diborsiyo si Jennifer mula kay Ben noong Martes, August 20 sa Los Angeles County Superior Court.
Eksaktong dalawang taon na ang nakaraan nang ikasal sa ikalawang pagkakataon ang dalawa noong Aug. 20, 2022 sa Georgia, at sa Las Vegas naman sila unang ikinasal noong July 2022.
Ayon sa People Magazine, walang kasamang abogado si Jennifer nang maghain ng diborsiyo na nakatala na April 26, 2024 ang araw ng kanilang opisyal na paghihiwalay.
Iniulat naman ng TMZ, na walang prenuptial agreement sina Jennifer at Ben.
“She tried really hard to make things work, and is heartbroken," saad ng source mula sa kampo ni Jennifer sa People mag.
“The kids are a top priority, as they always have been,” dagdag ng source.
Unang nagsama sina Jennifer at Ben noong 2002 at naging engaged nang taong din na iyon. Pagsapit ng isang taon, inanunsyo ng dalawa na ipagpapaliban muna nila ang kasal dahil sa matinding atensyon na nakukuha nila sa media sa kanilang paghahanda.
Pero biglang naghiwalay ang dalawa pagsapit ng 2004, na dalawang taon din makaraan ang kanilang pagiging magkasintahan.
Sa kabila ng una nilang paghihiwalay, nanatiling magkaibigan ang dalawa at ikinasal sa ibang partner. Si Jennifer kay Mark Anthony, at si Ben kay Jennifer Garner.
Pero ang mga kasal nila, nauwi rin sa hiwalayan, hanggang sa magkabalikan sina Jennifer at Ben noong 2021.
Sa sumunod na taon, 2022, naging engaged muli sila at natuloy na ang kasal.
Nagsimula ang usap-usapan na may problema sa pagsasama ng dalawa noong May 2024 dahil hindi sila nakikitang magkasama sa nakalipas na isang buwan.
Umugong din ang bali-balita na hindi na sila nagsasama sa iisang bahay.
Nitong nakaraang June, kinansela ni Jennifer ang kaniyang "This Is Me... Live" summer concert tour para makasama ang pamilya. — FRJ, GMA Integrated News