Hindi napigilan ni Amy Perez na maging emosyonal nang mapag-usapan ang tungkol sa anak, at ang naging personal niyang karanasan nang sa unang pagkakataon ay mahihiwalay sa kaniya ang panganay na anak dahil kailangang tumira na malapit sa papasukang umibersidad.
Sa episode ng "It's Showtime" nitong Biyernes, isang ginang ang naging bisita nila sa segment na “EXpecially For You,” at napag-usapan ang hirap na nararamdaman ng magulang kapag kailangan nang payagan ang anak na mamuhay na mag-isa.
"Malungkot isipin pero hindi mo siya makokontrol, 'di ba?" sabi ni Vice Ganda patungkol sa pag-alis ng anak sa poder ng magulang.
"'Yung anak mo parang nakita mo, 'Ay 'yung ibon kong anak lumilipad na.' Pero pagtingin mo, [mag]-isa ka na lang doon sa pugad," sabi pa ni Vice, patungkol sa bahay ng pamilya.
Dahil madaling maka-relate ang mga magulang sa sitwasyon ng kanilang bisita, nagbigay na rin ng kaniyang pananaw si Amy bilang isa ring ina, at noon ay solong itinaguyod ang panganay niyang anak na si Adi.
Aniya, malaking sakripisyo para sa mga magulang na bigyan ng kalayaan ang kanilang anak at hayaang mamuhay na mag-isa. Nangyari raw iyon sa panganay niyang anak nang kailanganing mag-boarding house o tumira malapit sa papasukan unibersidad.
"Drum-drum ang iniyakan noon, 'di ba? Parang lahat ng tanong niya, lahat pilit mong binibigyan ng sagot. 'Hindi anak 'di ba dito mas okay? 'Di ba dapat ganito, ganiyan?' Pero at one point bilang isang nanay, parang it was the hardest thing to accept na i-let go mo siya," sabi ni Amy.
Sa kabila umano ng ganoong sitwasyon, kailangang nandoon pa rin ang mga magulang para gabayan ang kanilang mga anak kahit malayo sila.
"Iyon yung greatest sacrifice ng mga magulang. 'Yung i-let go 'yung anak, hayaan na lumipad, mag-grow. Pero kung magkamali man nandoon pa rin ang magulang. Nandoon pa rin ang nanay," sabi ni Amy.
Sa paglipas ng panahon, natanggap na rin umano ni Amy na kailangan din niyang bigyan ng laya ang anak. At natutuwa siya sa kaniyang sarili dahil nakikita na niya ang magandang bunga ng mga paalala niya sa kaniyang anak na naging masunurin naman sa kaniyang mga pangaral.
"Ngayon kapag nakikita ko, I'm very proud na nakikita ko siya na 'yung mga dati palang binubunganga ko na 'dapat ganito, dapat ganito ginagawa mo' maayos siya. Okay siya at namumuhay siya ng tama nang hindi siya nakakaabala ng ibang tao and regular pa kaming nagkikita," pagbahagi ni Amy na may pagkakataong nanginginig na ang luha sa mga mata.
Ibinahagi rin ni Amy na dahil malalaki na rin ang dalawa pa niyang anak, naglalaan siya ng Linggo para sa mga ito upang makasama niya sa tinatawag niyang "Sundate." -- FRJ, GMA Integrated News