Muli umanong pag-aaralan ang basehan sa halaga ng pagkain bawat araw para maituring "food poor" ang isang tao. Inihayag ito ng Philippine Statistics Authority (PSA) matapos umani ng mga puna ang nauna nilang inilabas na P64 per person/day bilang food threshold, o sapat na ang P64 bawat araw para maituring hindi nagugutom ang isang tao.
Nitong Huwebes, aminado ang PSA na hindi sasapat ang P64 para makamit ang nutritional o dietary requirements ng tao sa isang araw, o masustansiyang pagkain.
Una rito, inihayag ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa isang pagdinig sa Senado, na hanggang nitong 2023, nakabatay ang monthly food threshold para sa pamilyang may limang miyembro sa halagang P9,581 o P64 per person per day.
Ang food threshold ay batayan sa minimum income o kita ng isang pamilya o tao para hindi magutom, “which satisfies the nutritional requirements for economically necessary and socially desirable physical activities.“
Sukatan ito para maideklara ang isang pamilya o tao kung nakapaloob sa food poverty line, o maituturing mahirap at nakararanas ng gutom.
Sa press briefing sa Quezon City, ipinaliwanag ni National Statistician Claire Dennis Mapa, na may siyensiya sa likod ng pagkuwenta sa halaga ng pagkain na nakasaad sa food threshold.
Nakabase umano ito sa sample food bundles (kasama ang almusal, tanghalin, hapunan, at miryenda), na maaaring magbigay ng nutritional needs, na inihanda ng mga nutritionist.
Batay sa per capita food threshold data mula sa PSA, ang sample food bundle ay maaaring magbigay ng 100% energy, 123% protein, 119% calcium, 80% iron, 131% Vitamin A, 88% Thiamin, 80% Riboflavin, 249% niacin, at 106% Vitamin C.
“That’s how the bundle was arrived at… in other words, there’s science to it,” ayon kay Mapa.
Sabi pa ni PSA, nakabase ang food threshold sa pangunahing kailangan at “least-cost approach,” na ipinapalagay na niluto sa bahay.
Gayunman, aminado si Mapa na, “talagang sa tingin natin talaga insufficient ito (threshold).
“I agree, this is really basic ‘yung P64 per day. Most probably a lot of people won’t be happy about it,” dagdag niya.
Una rito, sinabi ng National Nutrition Council na hindi sapat ang P64 na pagkain, o katumbas ng P21.30 sa bawat meal, para sa isang tao upang makakuha ng kailangan niyang energy at nutrients sa katawan sa isang araw.
Sa pagdinig ng Kamara de Representantes, tinanong ni House Deputy Minority Leader France Castro ang isang opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI) kaugnay sa P64 threshold para maituring na “food poor” ang isang tao.
“Ano ‘yung comment mo doon sa P64 na sinasabi ng NEDA na sa ngayon may P64 pesos ka lang [sa isang araw], non-food-poor ka na. Ano ba ‘yung mabibili from among the consumer goods na P64 in a day na sasapat sa isang tao?,” tanong ni Castro kay DTI Undersecretary Amanda Nograles.
Sagot naman ng opisyal, “Base po sa ating monitoring ng mga suggested retail price, halimbawa po ang sardinas, P15 to 20 pesos po ang isang lata ng sardinas. Halimbawa po, ang tinapay po, P2 pesos po yung isang pirasong pandesal: Yung tinapay nga po, hindi po tayo nag-approve ng mga price adjustment.”
Ayon kay Mapa, sinusuri na ng ahensiya ang methodology tungkol sa food poverty threshold.
“There is a review process na ginagawa and as I said we have already initiated sa technical staff ng PSA ‘yung pag-review ng ating, una, 'yung ating methodology, 'yung sa menu,” paliwanag niya.
Kasama sa pagsusuri ang pagbabago sa gastusin ng isang pamilya, ang kita, at epekto ng inflation.
“We also want it to be reflective of current situation so that's why we are constantly addressing and reviewing our methodology,” sabi pa ni Mapa.
“I assure you the PSA is reviewing it and we will have already initiated a review which is a part of our regular review process,” dagdag pa niya.—mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ, GMA Integrated News