Kung gaano kahigpit ang kapit ng isang 11-anyos na batang estudyante sa zipline para makarating sa kaniyang paaralan, ganoon din kahigpit ang kapit niya sa kaniyang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral para sa kaniyang pamilya.
Sa kabundukan ng Sitio Managaksak sa Murcia, Negros Occidental nakatira ang mag-aaral na si Eljames. Alas kuwatro pa lang umaga, naghahanda na siya, pati ang kaniyang ama na si Ricky para sa isang oras na lakarin nila sa gubat at ilog, at pagtawid sa bundok gamit ang zipline.
Ang zipline na luma na, may habang 300 metro, at nasa 100 metro naman ang taas.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo Jessica Soho," ikinuwento ni Ricky na, "Kapit lang mahigpit para 'di malaglag. Iniisip ko kung hanggang kailan kami makaka-survive. Putol na po talaga ang tali, kinakabit lang namin siya ng tali pa para magamit pa."
Si Ricky ang unang gumagamit ng zipline para maalalayan niya ang anak sakaling magkaproblema si Eljames sa kalagitnaan ng zipline.
"Hindi ako kinakabahan, sanay na ako," sabi ni Eljames.
Pagkatapos ng zipline, magmomotor naman sila para makarating sa eskuwelahan.
Pero hindi lang pala si Eljames ang kailangang gumamit ng zipline para makarating ng paaralan.
Ang ina ni Eljames na si Rose, isinasabay sa zipline ang apat na taong gulang nilang bunso na si Mary Rose para naman pumasok sa daycare center.
"Tinitingnan ko mabuti kung safe ba 'yung kable. Kinakabahan pa rin po ako hanggang ngayon kasi may kasama po akong bata," sabi ni Rose.
Pagtatanim ng gulay at paggawa ng barbeque sticks ang ikinabubuhay ng kanilang pamilya.
"Dito kami nagtatanim ng gulay katulad ng patola, sitaw. Sa lolo ko po ito, wala po talaga kasi kaming lupang sarili," ani Rose.
"Dati doon kami nakatira sa baba. Kaso ang lupa namin nasama sa pagbili ng aking lolo kaya wala na kami doon bahay. Kaya pumunta kami rito sa bundok at dito nagpatayo ng bahay at dito kumukuha ng aming kabuhayan," dagdag ni Ricky.
May isa pang kapatid sina Eljames at Mary Rose, na si Ezra, 8-anyos, na nakatira sa kapatid ni Ricky sa bayan.
"Kasi nahirapan na sa akin na mag-zipline kasi babae siya at maliit pa, anim na taon pa lang siya. Baka may anong mangyari sa kanya or naiipit ang kamay niya. 'Yun ang iniisip ko sana hindi ito ang kabuhayan namin at saka hindi kami rito umuuwi," saad ng mag-asawa.
Pagkatapos ng klase ni Eljames, susunduin muli siya ng kaniyang ama pauwi na kadalasan ay inaabutan na ng dilim.
"Gusto ko mag-aral para makatulong ako sa pamilya ko. Gusto ko makaahon sa kahirapan," sabi ni Eljames.
Si Ricky, ipinagdarasal daw na makaraos sila sa ganoong sitwasyon nila sa buhay.
Lagi namang ipinapaalala ni Rose sa kanilang mga anak ang kalahalagahan ng edukasyon para mahango sila sa kalagayan nila ngayon.
"Hindi ko maibigay sa anak ko kung anong gusto nila. Sinasabi ko sa kanila, 'pag tapos na kayo ng pag-aaral marami na kayo mabibili ng anong gusto n'yo. Sipag lang. Makakaraos din kami," sabi niya.
May magagawa kaya ang lokal na pamahalaan at kanilang mga opisyal sa kalagayan ng pamilya ni Ricky upang hindi malagay sa peligro ang kanilang buhay para sa edukasyon? Panoorin ang buong kuwento sa video.
Sa mga nais tumulong sa pamilya ni Eljames, maaaring magdeposito sa:
BDO BACOLOD-LIBERTAD BRANCH
BANK ACCOUNT NAME: RIQUE R. RETIZA
BANK ACCOUNT NUMBER: 007550156120
CONTACT NUMBER: 0927 164 3165
—FRJ, GMA Integrated News