Hindi napigilan ng veteran actor na si Niño Muhlach na maging emosyonal nang ilahad niya sa mga senador na miyembro ng isang komite ang kalagayan ng anak niyang si Sandro nang ikuwento sa kaniya ang dinanas umano sa dalawang independent contractors ng GMA Network.
Isinagawa nitong Miyerkoles ng Senate Committee on Public Information and Mass Media na pinamumunuan ni Senador Robin Padilla, ang pagdinig tungkol sa usapin ng umano'y pang-aabuso at panggigipit na nangyayari sa mass media industry.
Hindi dumalo sa pagdinig ng komite si Sandro at ang mga independent contractors na sina Jojo Nones at Richard Cruz, na nauna nang inireklamo ni Sandro sa GMA Network at sa National Bureau of Investigation (NBI).
“Kaya talaga ako nasaktan nung kinuwento niya sa akin yung nangyari," saad ni Niño. "Kasi para makita mo ‘yung anak mo na nanginginig at hindi niya halos mahawakan ‘yung telepono niya nung kinukuwento sa akin yung ginawa sa kaniya."
Ayon kay Niño, unang ipinaalam ni Sandro ang nangyari sa kaniya sa kapatid nitong si Alonzo.
“Sabi sa akin ni Alonzo, sinabihan daw siya ng kuya niya na, ‘Bro, sana huwag mangyari sa iyo ‘yung nangyari sa akin,’” saad ng dating child star.
Puna ni Niño, kung nangyari sa kanila na kilala na sa showbiz ang pamilya, papaano pa raw kaya sa mga baguhan.
“Hindi ko naman po binubuhat ‘yung aming bangko pero sa isang pamilya na talagang naging malaki na ang kontribusyon sa industriyang ito, what more na sa iba? What more sa mga baguhan?” ayon sa aktor.
Nitong nakaraang linggo nang maghain ng reklamo si Sandro sa GMA Network at sa NBI, laban kina Nones at Cruz.
Nilinaw ni Atty. Czarina Quintanilla-Raz, abogado ni Sandro, na hindi kasama ang GMA Network sa kanilang inireklamo sa NBI.
“Right now your honor we are focused on the two,” sabi ni Quintanilla-Raz, patungkol kina Nones at Cruz.
Sinuspinde si Nones at Cruz
Dumalo sa naturang pagdinig ng komite si Atty. Annette Gozon-Valdes, na Senior Vice President for Programming, Talent Management, Worldwide, and Support Group ng GMA Network.
Ayon kay Gozon-Valdes, sinuspinde na sina Nones at Cruz nang tukuyin ni Sandro sa kaniyang reklamo na inihain sa network, partikular sa human resources (HR).
Gumugulong na rin ang imbestigasyon ng network.
“We immediately issued a preventive suspension order to the two being accused of Mr. Sandro Muhlach. Now we are waiting for their reply because, of course, we follow the procedures of due process,” sabi ni Gozon-Valdes.
Bagaman hindi regular na empleyado ng GMA Network sina Nones and Cruz, sinabi ni Gozon-Valdes, na saklaw pa rin ang dalawa ng mga patakaran ng network, kasama na ang Code of Conduct.
“Despite the fact that they are independent contractors, we can still take jurisdiction over the HR complaint filed by Mr. Sandro Muhlach and we can still apply our Code of Conduct to this case,” sabi ng opisyal ng network.
Iginiit din ni Gozon-Valdes, na hindi papayagan ng GMA na mangyari ang sexual abuse.
“At the onset, I would like to reiterate that GMA does not condone, it also does not tolerate, any acts of sexual abuse or harassment,” ayon sa opisyal ng GMA.
Niño, Nones at Cruz, nagharap
Ayon kay Niño, matapos ang insidente, hiniling niya na makausap sina Nones at Cruz.
“Nag-usap po kami nina Miss Annette at hinarap nga po ni Miss Annette sa akin ‘yung dalawa at nag-apologize po sila sa akin,” sabi ng aktor.
Iginiit niya na dapat managot ang dalawa dahil sa ginawa sa kaniyang anak.
“Ako tao lang ako eh. Diyos nga na marunong mag patawad. Kaya ko kayo patawarin pero kailangan pagbayaran niyo ‘yung ginawa niyo,” sabi ni Niño.
Hinanakit pa ng aktor, binabaliktad pa umano ng dalawa ang sitwasyon, at personal na kakilala pa man din niya si Nones.
Sa isang punto ng pagdinig, kinailangan itong itigil pansamantala dahil tumaas ang blood pressure ang aktor.
'Di sumipot sa pagdinig
Sa naturang pagdinig, hiniling ni Senador Jinggoy Estrada na ipa-subpoena sina Nones at Cruz para obligahin silang dumalo sa susunod na pulong makaraang hindi dumating sa pagdinig nitong Miyerkoles.
Giit ni Estrada, hindi katanggap-tanggap ang "letter of regret" na ipinadala ng dalawa sa komite.
Sinegundahan naman ni Senador Ramon "Bong" Revilla Jr. ang mosyon ni Estrada.
Sa sulat na binasa ni Estrada, ipinaliwanag nina Nones at Cruz na hindi sila empleyado o bahagi ng management ng GMA o Sparkle Artist Management Agency, na siya umanong tamang personalidad na tumalakay sa patakaran ng network.
Itinanggi rin ng dalawa ang paratang laban sa kanila.
“At the onset, we deny all accusations against us. We hope this honorable committee will respect our decision not to attend this hearing,” nakasaad sa sulat nina Nones at Cruz.
Dahil hindi rin dumalo sa pagdinig si Sandro, nais din sana ni Estrada na ipa-subpoena ang aktor. Pero binawi niya ang mosyon nang malaman ang dahilan kaya hindi puwedeng dumalo sa pagdinig ang binata.
Paliwanag ni Quintanilla-Raz na abogado ni Sandro, wala pa sa mental at emotional state ang aktor para dumalo sa pagdinig at ilahad ang pangyayari.
Nagsasagawa rin umano ang NBI ng psychological assessment kay Sandro.
Hiniling na lang ni Estrada ang kampo ni Sandro na magsumite ng medical certificate ng aktor.
Ayon kay NBI Public Corruption Division chief Atty. Marie Catherine Nolasco-Illescas, pinayuhan si Sandro ng NBI Behavioral Science Division na limitahan ang pagpapakita sa publiko para hindi lumala ang kaniyang kondisyon.
Makakaapekto umano psychologically kay Sandro kung paulit-ulit na ikukuwento ang nangyari sa kaniya.
Sinabi ni Revilla na makadadagdag sa trauma ni Sandro kung padadaluhin ang aktor sa pagdinig.
“Kaya nga sabi ko this is very sensitive at dapat talaga ma-handle ng tama. If you're going to invite Sandro here, baka additional, kumbaga, pain na naman para abutin niya ‘yun or whatever trauma na abutin niya,” paliwanag ni Revilla.
“‘Yung kay Jojo Nones and ‘yung other guy, dapat siguro they should be here and sagutin nila,” dagdag niya.-- mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated