Kabilang sina Alma Moreno at Snooky Serna sa mga celebrity na mga orihinal na Regal Babies, na nagdadalamhati sa pagpanaw ng Regal Entertainment matriarch na si Mother Lily Monteverde.
Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, inahayag ni Alma at Snooky na itinuturing nilang pangalawang ina ang namayapang movie producer.
“Malungkot,” sabi ni Alma sa pagpanaw ni Mother Lily, na sinundan ni Snooky ng pahayag na, “It’s a very sad day.”
Nagbalik-tanaw si Alma, na isa sa mga unang pumirma ng exclusive contract sa Regal Entertainment, ang una nilang pag-uusap ni Mother Lily.
“Sabi lang niya sa akin ‘Gawa ka ng movie sa akin. Huwag kang mag-alala, aalagaan kita, parang anak ko na,” ani Alma.
Edad 17 pa lang si Alma noon nang sabihan siya ni Mother Lily na, “mas sisikat ka” pa sa pag-aalaga nito.
“Sobrang pag-aalaga tapos kapag medyo ninenerbiyos ako, nagbabantay siya sa set. Nanay na nanay. Kasi siyempre ‘baby’ pa ako, magsusuot ka ng medyo sexy, binabantayan ka niya bilang nanay, naka-alalay siya,” ayon kay Alma.
“Mararamdaman mo sa kaniya ‘yung pagmamahal niya sa artista niya,” dagdag niya.
“I really feel that she is my second mother talaga,” sabi naman ni Snooky.
Kinuha noon ni Mother Lily si Snooky para sa pelikulang “Under-age,” kasama sina Dina Bonnevie at Maricel Soriano.
“Looking back, thinking back, nakaka-miss ‘yung mga punchline ni Mother, ‘yung sense of humor niya, ‘yung kabaklaan ni Mother, and ‘yung warmth niya, just the same, she’s really one of a kind,” sabi ni Snooky.
“She knew what would work,” dagdag ni Snooky.
Ayon kay Alma, inalagaan siya ni Mother Lily kahit "bumaba man o tumaas 'yung career ko."
"Gusto kong pasalamatan si Mother sa sobrang alaga niya sa 'kin, bumaba man o tumaas 'yung career ko, never ako pinabayaan ni Mother Lily. Ang unang tumutulong sa akin si Mother Lily. Hindi mo na kailangan hingian," ayon sa veteran actress.
Sabi naman ni Snooky, "I want to take this [opportunity] to say sorry, Kasi may mga times din ako na medyo problematic, but Mother was always there to understand, to be by my side."
Pumanaw si Mother Lily sa edad 84 noong Agosto 4, na kinumpirma ng kaniyang anak na si Goldwin Monteverde.
Kilala bilang si "Mother Lily" sa showbiz industry, pinamahalaan ni Monteverde ang Regal Films sa paggawa ng mga blockbuster movie, kabilang ang iconic na "Mano Po" anthology at "Shake, Rattle & Roll."
Nangyari ang pagpanaw ni Monteverde, ilang araw matapos na sumakabilang-buhay din ang kaniyang mister na si Remy noong July 29. -- FRJ, GMA Integrated News