Laking gulat ng isang lalaki na naghahanap sa nawawala niyang mga kambing nang makita niya mga ito sa gubat na kulang na ng isa, at may katabi na isang malaki at bundat na sawa sa Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, ikinuwento ni Robert Ramos, na pilit niyang hinanap hanggang gubat ang pitong alaga niyang kambing nang mawala ang mga ito noong Biyernes ng hapon sa Santa, Ilocos Sur.
Umabot ang kaniyang paghahanap sa kabilang barangay pero anim na lang ang nakita niyang kambing. Katabi rin ng kaniyang mga alaga ang isang malaking sawa na namimintog ang tiyan.
Hinala niya, kinain ng sawa ang isa sa kaniyang mga kambing.
Ipinaubaya ni Ramos sa Community Environment and Natural Resources Office ng Department of Environment and Natural Resources, ang sawa para masuri.
Pero dahil umano sa stress ng sawa, iniluwa rin nito kinalaunan ang kaniyang kinain na kumpirmado na ang kambing nga ni Ramos.
Ayon sa CENRO, nasa hanggang apat na metro ang haba ng sawa, at nagpapasalamat sila na hindi sinaktan ang sawa, na ibinalik din sa gubat kinalaunan.-- FRJ, GMA Integrated News