Hindi bababa sa 20 gutom na aso-- na buto't balat na ang karamihan--ang nasagip mula sa isang isla sa Pagadian City na mistulang ginawang tapunan umano ng mga aso na ayaw nang alagaan ng kanilang mga amo.
Sa ulat ni Nico Waje sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ang Animal Kingdom Foundation (AKF) ang nagsagawa ng operasyon para dalhan ng pagkain at sagipin ang mga aso sa Dao Dao Island.
“[It is] heartbreaking because ang papayat ng mga aso and they approached our team immediately," ayon kay AKF Executive Director Attorney Heidi Caguioa. "Feeling ko talaga sa sobrang gutom nila wala silang time o ayaw nilang maging agresibo.”
Ayon sa punong barangay, walang nagbabantay sa isla kaya doon iniiwan ng mga residente ang kanilang mga aso na ayaw na nilang alagaan.
“Itong isla, sir, wala nang tao. Tapos yung mga aso dito sa aming barangay at saka ibang barangay, kumakain ng mga sisiw, mga itlog, dito nila itapon sa island,” sabi ni Barangay Poloyagan chaiperson Jimmy Osing.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Pagadian, wala silang natatanggap na ulat mula sa barangay tungkol sa naturang usapin.
“It’s a resort na pinupuntahan naman ng mga taumbayan at doon naliligo, kaya normal may nakikita kaming aso. Na-shock lang kami it was tagged as dumping area,” pahayag ni Pagadian City Administrator Engineer Vince Quipot.
Nasa 20 aso ang nasagip at nasa pangangalaga ng AKF at ilan pang animal welfare groups.
“Napa-check up na po natin sila sa beterinaryo. Although medyo dehydrated at anemic ang mga aso, negative naman sila sa distemper at any other serious illness. Sila po ay pino-foster ng ating partner na animal welfare group sa area,” sabi ni Caguioa.
Magsasagawa ang AKF at lokal na pamahalaan ng educational campaign sa barangay tungkol sa tamang pangangalaga sa aso.
Naglagay din sila ng babala laban sa pag-aabandona ng aso na may parusa sa ilalim ng Animal Welfare Act. —FRJ, GMA Integrated News