Mula sa pagiging milyonarya, unti-unting naibenta ng isang negosyante sa Zamboanga City ang kaniyang mga naipundar sa loob lang ng ilang buwan matapos daw siyang malulong sa online sugal na Scatter. Alamin ang kaniyang kuwento.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," inilahad ni Chesca Mendoza, na isa ring kontesera, na nagsimula siyang maglaro ng Scatter nito lang nakaraang Enero.

Kaiba sa slot machine games na dapat magkakahilera ang magkakaparehong simbolo para magkaroon ng premyo, sa Scatter, makatatanggap ng premyo basta may lumabas na tatlo o higit pang magkaparehong simbolo kahit na hindi magkakahilera.

Mula sa una niyang deposito na P5,000, nanalo raw si Mendoza ng P60,000 sa kaniyang mga unang laro. Nasundan pa ang kaniyang buwenas sa panalong P70,000 at P50,000, hanggang sa maging P80,000.

Gayunman, may mga sunod-sunod din siyang pagkatalo kaya muli siyang nagpapasok ng pera upang makapaglarong muli.

“Nilalabanan ko ‘yung ego ko, deposit ako nang deposit. Almost P70,000, P80,000 po ang everyday na capital ko sa laro,” ani Mendoza.

“Sobra akong nalulong. Doon na lang umikot ang mundo ko. Nagpupuyat ako, paminsan hindi ako natutulog almost two days,” sabi pa niya.

Kalaunan, nawalan na rin siya ng oras sa kaniyang mga negosyo na car wash, sa WiFi at live selling.

Hindi niya na rin napapansin na palaki na nang palaki ang pera na kaniyang nawawaldas dahil sa online game.

“Sobrang iniisip ko na babawiin ko ang mga talo ko, nabenta ko na ang kotse ko, ang dalawang motor ko, ‘yung mga alahas ko,” sabi ni Mendoza.

Nasira na rin ang relasyon niya sa kaniyang Briton na fiancé na nasa UK.

“Nagsinungaling ako, sabihin ko na pupunta ako sa kanila. Pero ‘yung real story, wala naman pala kasi lahat ng perang ibinigay niya ipinangsugal ko rin,” sabi niya.

Nangutang at ibinenta na rin ni Mendoza ang kaniyang mga naipundar at pati na ang negosyo para may maipangtaya sa naturang online game.

“One day, na-realize ko ay wala na pala lahat ng mga naipundar ko. Three months na talaga, naubos ‘yung milyon,” saad niya,.
May pinagkakautangan pa siya na aabot sa P100,000, at nakatatanggap pa minsan ng death threats dahil dito.

Dahil sa naturang sugal, hindi niya na rin daw niya masuportahan ang kaniyang mga magulang.

Ngayon, pilit na bumabangon si Mendoza sa pamamagitan ng live selling.

Pagkalulong din sa Scatter ang naging problema ni “Arlene,” hindi niya tunay na pangalan, na nagsimulang maglaro nitong Marso.

Mula sa taya niyang P100, nanalo siya ng P2,000. Nilakihan niya ang mga sumunod niyang mga taya.

Hanggang sa nagkautang na siya ng P5,000 na natalo rin lang sa sugal.

Matapos ang mga sunod-sunod niyang talo, naging mainitin na rin ang kaniyang ulo at balisa, ayon sa kaniyang mister na si “Jerry,” hindi rin tunay na pangalan.

Isang araw, may mga tumatawag na kay Jerry na mga naniningil ng utang.

Dahil sa pagkadesperado ni Arlene na makabawi mula sa mga talo sa Scatter, humingi siya ng puhunan na P20,000 para magtitinda-tinda.

Ngunit nabuko ni Jerry ang mga kasinungalingan ni Arlene, at nakaramdam na gusto niya na itong hiwalayan.

“Ang hirap kumita ng pera eh tapos isusugal niya lang,” sabi ni Jerry.

Nanaig kay Jerry ang pagpapatawad, alang-alang sa kanilang anak. Gayunman, hindi pa rin tumigil si Arlene, na nangutang naman sa kanilang mga kamag-anak para may maipang-Scatter.

Sa pagkakataong ito, naipatalo niya ang halagang P70,000.

“Galit na galit po ako sa kaniya eh. ‘Hindi mo puwedeng galawin, pera ng bata ‘yan eh.’ Sinagad ko na lang po yung savings namin na natitira para pambayad du’n sa mga inutangan niya ulit,” sabi ni Jerry.

“Sarili ko na lang iniisip ko, hindi ko na sila iniisip. Parang naging addiction na po, na hindi ko na siya makontrol,” sabi ni Arlene.

“‘Hindi mo nakikita ‘yung sakripisyo ko. Kahit na day off ko, pumapasok ako para malaki ang sahod namin, tapos isusugal mo lang. Hindi ko naman pinangarap talaga na mag-aasawa ng nagsusugal,” sabi ni Jerry.

Tunghayan sa KMJS kung mapapatawad pa ni Jerry ang misis na si Arlene? At ano ang sinasabi ng isang psychologist tungkol sa pagkalulong sa pagsusugal, at paano ito ginagamot? Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News