Perwisyo sa mga mangingisda ang mga water lily na hindi mapigilan ang pagdami sa Laguna de Bay at nagiging sagabal sa kanilang kabuhayan. Pero ngayon, nakatutulong na rin ang halamang-tubig bilang dagdag pagkakakitan ng ilang residente sa Santa Rosa, Laguna dahil nagagawa nila itong basket, bag at iba pa.
“Kami lang po ‘yung gumagawa ng water lily [products] po dito sa Santa Rosa. Dahil kami lang po talaga ‘yung nagtiyaga. Kasi ang paggawa po sa water lily ay tiyagaan sa pagkuha hanggang sa paggawa,” sabi ni Belen Acuña, President ng Santa Rosa Livelihood Organization sa nakaraang episode ng “Biyahe ni Drew.”
Ilan sa mga produkto na kanilang nalilikha at naibebenta gamit ang mga water lily ang mga lalagyan o basket, bag, wallet at iba pa.
Matibay din umanong materyales ang water lily kaya pangmatagalan ang gamit sa produktong magagawa mula rito.
Bukod sa nakapagbibigay ngayon ng kabuhayan ang mga water lily, nabawasan din kahit papaano ang paggamit ng plastic na nakasisira sa kalikasan.
Tunghayan sa video ng “Biyahe ni Drew” kung papaano pinipili ang mga water lily para gamiting materyales sa produkto na sinubukan mismo ng host ng programa na si Drew. Pumasa kaya siya? Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News