Naging emosyonal si Eumir Marcial matapos na maagang mapatalsik sa 2024 Paris Olympics nitong Miyerkoles nang matalo sa kaniyang laban sa boxing. Ayon sa asawa, may iniindang rib injury si Marcial bago pa man ang laban.
Natalo si Marcial kontra kay Turabek Khabibullaev ng Uzbekistan via unanimous decision sa Round of 16 match sa men's 80kg division ng Summer Games.
Nang humarap sa miyembro ng Philippine Olympic Committee media, kasama si JP Soriano ng GMA Integrated News, sinabi ng Tokyo Olympics bronze medalist na hindi pa siya nakapagdesisyon kung ano ang sunod niyang gagawin sa kaniyang boxing career.
"'Sana po, 'yung mga Pilipinong naniniwala pa rin sa akin, sana tulungan n'yo ako ulit na bumangon at magsimula ulit, kung sa professional career ko ba o mag-Olympics ako ulit," ani Marcial.
"Mahirap po, sa sarili ko ngayon hindi ko alam saan ako magsisimula ulit pero alam ko nandiyan ang mga Pilipino na sumusuporta sa akin at ang pamilya ko, asawa ko," dagdag niya.
Aminado si Marcial na nahirapan siya sa kalaban na mas mataas sa kaniya at hindi niya natural weight class ang naturang debisyon.
"Mayroon pong disadvantage 'yun pero 'di ko sasabihin 'yun para gagawa ng excuse kung bakit 'di ako nanalo. Siguro talagang hindi para sa akin at mayroong pagkukulang, o may plano ang Panginoon para sa akin," ayon kay Marcial.
Sa Tokyo, sa middleweight division lumaban si Marcial.
Samantala, sinabi ng asawa ni Marcial na si Princess na may rib injury na iniinda ang Pinoy pride bago pa man ang laban.
"Nagka-injury po siya sa rib tapos wala siyang aksiyon ng two weeks, no sparring for two weeks, talagang walang training dahil hindi makatayo sa injury niya," paliwanag ni Princess.
"Noong nakita ko first round pa lang, sa body language niya, alam kong masakit na 'yung ribs niya, so parang ako, sinisigaw ko na 'Stay calm' kasi nakikita kong nararamdaman niya na 'yung sakit sa ribs," dagdag pa niya.
Ayon pa kay Princess, napansin niya na iniinda na ni Marcial ang sakit mula sa injury nang makita niya itong tumitingin sa coach.
"Sayang kasi alam ko kaya ni Eumir mag-gold kaso nagka-injury," saad ni Princess. "Hindi rin po siya makagalaw, hindi siya maka-bend. Kung mapapansin n'yo, tina-try niyang i-bend 'yung knee niya pero nakikita ko sobrang sakit ng ribs niya."
Nagpapasalamat naman si Princess sa mga suportang natanggap ng kaniyang asawa.
"Thank you very much, salamat sa lahat ng Pilipinong sumuporta. God bless you all and okay lang 'yun, may plano ang Diyos. [Sa] professionals, doon tayo magkita-kita," pahayag nito.—FRJ, GMA Integrated News