Naging kontrobersiyal ang ad campaign para sa melatonin pills nang palitan ng "Gil Tulog" ang signages na Gil Puyat Avenue sa Makati. Pero bago naging Gil Puyat, kilala ang lugar bilang (Nicolas) Buendia Avenue. Alamin kung sino sila.
Ayon sa Senate website, si Gil J. Puyat ay nahalal na senador noong 1951, at naging Senate hanggang matapos ang kaniyang termino noong 1973.
Si Puyat ang Senate President nang ideklara noon ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang Martial Law noong 1972.
Ang ama ni Puyat, na si Gonzalo ay isang industrialist at isa sa mga unang business leader ng bansa.
Sa edad na 33, itinalaga nang noo'y Pangulong Manuel L. Quezon si Puyat bilang dean ng College of Business Administration sa University of the Philippines. Dahil sa kaniyang edad na 33, siya ang kinikilalang youngest dean sa UP.
Noong 1982, ipinangalan kay Gil Puyat ang kalye na dating nakapangalan kay Nicolas Buendia (o Buendia Avenue), sa bisa ng Batas Pambansa Bilang 312.
At gaya ni Puyat, isa ring senador si Buendia, magmula noong 1941 hanggang 1945.
Isinilang sa Malolos, Bulacan noong March 12, 1879, nagtapos si Buendia ng kursong Bachelor of Arts sa Liceo de Manila, at natanggap sa Philippine Bar noong 1910.
Noong panahon ng pananakop ng Kastila, siya ang naging first lieutenant ng Infantry of the Philippine Revolutionary Army. Sa panahon naman ng pananakop ng mga Amerikano, naging Municipal Secretary, Municipal Councilor, Municipal president ng Malolos, at gobernador ng Bulacan si Buendia noong 1916 hanggang 1919.
Isa si Buendia sa mga founder ng Philippine Independent Church. At nahalal na delagado sa Constitutional Convention mula sa first district ng Bulacan noong 1934.-- FRJ, GMA Integrated News