Nakilala bilang mga sexy star noon sina sina Aubrey Miles, Maui Taylor at Diana Zubiri. Ngayon na pawang mga ina na sila, papayagan kaya nila ang kani-kanilang mga anak sakaling magpaalam ang mga ito na gagawa rin ng sexy projects?

Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, tinanong ni Tito Boy sina Diana, Maui at Aubrey kung ano ang kanilang sasabihin kung sakaling sabihin sa kanila ng kani-kanilang mga anak na gusto nitong gumawa ng isang sexy movie.

"Ako po may dalawa akong anak na babae. Isa 'yan sa mga kinakatakutan kong tanong," pag-amin ni Diana.

"Kasi baka hindi nila kayanin, Tito Boy. So kung mabibigyan ko sila ng advice, kung may iba namang option, huwag na lang nilang pagdaanan 'yung dinaanan ko," pagpapatuloy ni Diana.

Si Aubrey naman, sinabing hindi kaagad siya magbibigay ng sagot na oo o hindi.

"Anong bang klaseng sexy? I wanna show muna siguro mga movies na ganu'n. 'Kaya mo bang gawin ito?' Hindi naman scaring 'yung anak ko, pero you have to see it kung ganito talaga...," paliwanag niya.

"No, 'yes,' no 'no,'" dagdag ni Aubrey. "I want to show muna."

May pag-aalinlangan din si Maui kung sakaling magpa-sexy ang kaniyang mga anak.

"I have two boys. No, huwag na lang. Ang dami nilang ginagawa ngayon eh. Kumbaga they can just bank on with what they are doing, like archery, golf, animations. So, huwag na lang," ani Maui.

Matatandaang nagsama-sama pa sina Aubrey, Maui at Diana noon para sa calendar ng isang men's magazine noong 2003.

Kuwento nila, hindi sila nakagawa ng pelikula na magkakasama pero naging mas close sila nang magkaroon na sila ng kani-kanilang mga anak.-- FRJ, GMA Integrated News