Hinahanap-hanap ng kaniyang mga suki ang isang tindero ng pandesal na loaded sa palaman. Pinapanatili raw ng tindero na mura ang kaniyang paninda para makatulong din sa mga nagtitipid.
Sa programang "Good News," makikita ang 49-anyos na dating construction worker na si Jeofrey Moncada, na abala sa pagtitinda ng kaniyang pande bara sa bahagi ng Divisoria sa Maynila.
Ang kaniyang pandesal overload, may palaman na liver spread, itlog, cheez, ham, luncheon meat, at mayonnaise sa halagang P10 lang.
Mayroon din siyang pandesal meal na limang piraso na selected ang palaman at nagkakahalaga lang ng P20.
Dating construction worker si Moncada na nag-isip ng ibang mapagkakakitaan dahil hindi sumasapat ang kaniyang sahod doon.
Taong 1997 nang magsimula siyang magtinda ng pande bara at nakita niya ang potensiyal nito na pamalit sa kaniyang dating trabaho.
Dahil sa tagal na rin ng panahon ng pagtitinda ni Moncada ng pande bara, ang iba niyang suki na matanda na ngayon, bumabalik daw ang alaala ng kanilang pagkabata kapag natikman ang pandesal na madalas nilang baon noon sa eskwelahan.
Kung minsan, nakikita si Moncada na naglalako rin sa Bulacan dahil doon pala nakatira ang kaniyang pamilya.
Kaya kapag umuwi mula sa Maynila, isinasabay na niya ang pagtitinda ng kaniyang patok na pandesal.
Ayon sa maybahay ni Mondaca, masipag kumayod ang kaniyang mister. Dahil sa pagtitinda nito ng pande bara, napag-aaral nila ang kanilang mga anak.
Dahil sa dami ng palaman ng pandesal kahit mura ang halaga, may napapaisip kung hindi raw ba nalulugi si Moncada.
Ayon kay Moncada, hindi niya hangad ang kumita ng sobrang laki kaya pinapanatili niyang abot-kaya ang presyo ng kaniyang pande bara.
Sa isang araw, kumikita siya ng P400 hanggang P500.
Dahil sa mura ang kaniyang pandesal, naniniwala si Moncada na kahit papaano ay nakatutulong siya sa mga taong nagtitipid sa pagkain.
"Ang buhay hindi puro kabig, matuto rin tayong mag- share ng blessing," nakangiting payo ni Moncada. --FRJ, GMA Integrated News