Umalma si Boss Toyo sa mga pumupuna sa kaniyang pagdalo sa ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa Batasang Pambansa nitong Lunes. Giit niya, hindi naman bawal sa naturang pagtitipon ang mga taong "mababa ang antas sa lipunan" na kagaya niya.
Sa pagdalo ni Boss Toyo, o Jayson Luzadas sa tunay na buhay, sa SONA 2024, suot niya ang may burdang Barong Tagalog na likha ng hindi niya pinangalanang Filipino designer.
Hindi maiwasan ng ilang netizens na magtaka kung bakit naroroon siya sa SONA, na dinaluhan ng mga politiko, foreign dignitaries, at iba pang bisita.
"Nagtataka ako bakit me mga taong nagkikuwestiyon bakit ako nasa SONA. Bakit bawal po ba ang isang content creator dito? Bawal po ba ang isang tulad ko dito? Bawal ba dahil hindi ako politiko? Bawal ba dahil 'di mataas ang antas ko sa lipunan?," sabi ni Boss Toyo sa Facebook.
"Masyado kayong nanghahamak ng tao. Gusto ko marinig kung ano ang sasabihin dahil isa akong Pilipino at me paki ako sa bayan ko. Wala ako nakikitang masama kung andito ako or kahit sinong tao andito. Pilipino ako at me paki ako sa bayan ko," dagdag niya.
Ang "Pinoy Pawnstars" ay isang series kung saan ibinebenta ng mga celebrity ang ilan sa kanilang mga iniingat-ingatang memorabilia. Ilan sa mga nagbenta na ng kanilang mga memorabilia sina Diana Zubiri, NiƱo Muhlach at Jiro Manio.
Sa kaniyang SONA, umani ng palakpakan si Marcos sa pagdeklara niya ng pagbabawal sa mga offshore gaming operator ng Pilipinas sa bansa. Nanindigan din siya na ang West Philippine Sea ay pag-aari ng mga Pilipino sa gitna ng mga pananalakay ng China sa rehiyon.-- FRJ, GMA Integrated News