Inilahad ni Nadia Montenegro ang kaniyang dahilan kung bakit inilayo niya noon ang anak na si Sophia mula sa tunay na ama nito na si Baron Geisler.

Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, sinabi ni Nadia na may pangako umano si Baron kay Sophia na magkikita sila nang personal ngunit hindi tumupad ang aktor.

"Pinangakuan siya na 'Sige magkikita tayo ng isang beses, pero walang makakaalam.' Tito Boy, sila ang magkausap, hindi ako nakialam," pagbahagi ni Nadia.

Ayon pa sa kaniya, laging magkausap sina Baron at Sophia.

"They were always in contact, Tito Boy. From social media, but never, like, you know na, '[hidden],' walang gano'n. It was just, 'I'm okay.' Walang gano'n (pagkikita)," patuloy ng aktres.

Alam din ni Sophia na si Baron ang tunay nitong ama, sabi pa ni Nadia.

Sa kabila nito, dumaan ang mga panahon na hindi nagkikita sina Sophia at Baron, dahil umano sa mga pinagdaraanan ng aktor.

"Huwag nating kalimutan na, bakit ba tumagal nang ganito? Tito Boy, unlimited chances for someone to change. Give me a reason na ipaharap kita sa kaniya nang sober ka," sabi ni Nadia.

May mga pagkakataon ding nagpapadala si Baron umano ng "drunk messages" sa kanilang anak.

"The drunk messages. The drunk text to my daughter. You think that would help her?," hinanakit ng aktres.

Noong Marso, inihayag ni Baron sa interview kay Ogie Diaz na may isa pa siyang anak sa ibang babae.

Gayunman, tila hindi ito nagustuhan ni Nadia.

"You came out in an interview all of a sudden without even asking us? Even if you didn't mention my name, sa tingin mo hindi kami nabulabog? Did you even think for a while what would happen to your daughter?," ayon kay Nadia.

Sa naturang panayam din, muling kinumpirma ni Nadia na si Baron ang tunay na ama ng kaniyang bunsong anak.

"I've already admitted that. Yes," ani Nadia. "Sophia is turning 18 in August. And that's why I'm here, it's not for views, not to trend, because that's one thing I hate. But to put an exclamation for everything."

Inaako ni Nadia ang nagawa niyang pagkakamali, at siya rin ang dapat na umamin at itama ito.

"My mistakes? I've always owed my mistakes Tito Boy, but let me say kung ano ang pagkakamali ko, hindi ikaw, hindi ko kailangan ng spokesperson," paliwang ng aktres. --FRJ, GMA Integrated News