Bumuhos ang luha sa studio ng "It's Showtime" nitong Biyernes nang magtanggal ng wig si Vice Ganda sa live television at ipakita ang tunay niyang buhok para ipahayag ang kaniyang suporta sa "Expecially for You" contestant na babae na may alopecia, o kondisyon sa buhok na nalalagas.
Sa naturang episode, naging panauhin ang contestant na si April, kasama ang dating nobyo na si Andrei, para humanap ng date.
Nagkaroon ng magandang relasyon sina April at Andrei, ngunit itinaboy kalaunan ni April ang binata dahil sa kaniyang pinagdaraanan. Naging abala si April sa pagsuporta sa kaniyang pamilya at sarili bilang isang working student, nagluksa sa pagpanaw ng kaniyang ama, at kailangan pang alagaan ang maysakit niyang ina.
Bukod dito, mayroon din siyang alopecia.
"Wala akong hair. Naka-wig lang ako. Nagkakaroon ako ng insecurity — baka mas deserve niya 'yung iba," maluha-luhang sabi ni April.
Inamin ng dalaga na nagkaroon ito ng malaking epekto sa kaniya.
“Sobrang laking impact ng insecurity ng pagkatao ko po,” emosyonal na lahad ni April. “Parang ang baba ko po, ‘yun ‘yung tingin ko sa sarili ko. Mababa po kasi sa sobrang dami kong problem, tapos ganito pa ‘ko. Pero laban lang po,” sabi niya.
Dahil dito, niyakap ni Vice si April, bago nagbahagi rin tungkol sa kaniyang insecurity nang mabawasan na rin ang kaniyang hairline.
“Nu'ng nalalagasan na rin ako ng buhok sa stress, sobra ‘yung insecurity ko,” pag-amin ni Vice. “Malayo ‘yun sa pinagdaanan niya.”
"Hindi lahat ng nagsusuot ng wig gusto lang umawra o lumandi or for aesthetic purposes," pagpapatuloy ni Vice. "This wig gives us power. This gives us strength and hope and energy."
Ayon kay Vice, dumaan muna ang panahon bago niya minahal at tinanggap ang pagkabawas ng kaniyang hairline.
“Nakakapraning talaga ‘yan pero sa dulo, hindi siya tungkol sa buhok eh. Tungkol ‘yan sa uri ng pagmamahal na mabibigay mo sa sarili mo tsaka sa ibang tao. At ‘yung pagmamahal na ‘yun, bumabalik," sabi pa ni Vice
“May buhok ka o wala, subukan mo lang magmahal ng sarili mo at ng ibang tao. Babalik ‘yun. At ‘yung pagmamahal na ‘yun ‘pag naramdaman mo, higit pa sa buhok na pwedeng magkaroon ang ulo,” patuloy niya.
Ani Vice, pareho sila ni April na nagsusuot ng wig.
“Sana makahanap ka ng lalaki na mamahalin ka kahit wala ka nang wig, hahalikan ka kahit wala ka nang wig, nag ‘I love you’ pa rin kahit wala ka nang wig,” sabi ng TV host.
Matapos ang group hug kina April, Andrei at mga host ng "It's Showtime," sinabi ni Vice na dumaan din ang ilang panahon bago siya nasanay magtanggal ng wig sa harap ng iba pang hosts, na isa aniyang proseso.
Nang magsimula na si Vice na alisin ang kaniyang wig, sinabi niyang ginagawa ito para tulungan si April na maibalik ang kaniyang confidence.
“Kung makakatulong ‘to kung para makakuha ng kahit katiting na kumpiyansa si April, why not?,” ani Vice. “Nasa punto na ‘ko nang wala na ‘kong pake. Meron nang taong mahal na mahal ako kahit wala na ‘kong wig.”
Patuloy niya, “Hindi na rin ako affected sa mga pangit na pangit sa ‘kin pag walang wig. May wig o wala, may nagmamahal dito ‘no. May wig o wala, may tumatanggap dito. Bukod kay Ion, mahal ako ng nanay ko, mahal ako ng mga kapatid ko. Mahal ako ni Lord.”
Nang alisin na ni Vice ang kaniyang wig, pinalakpakan siya ng kaniyang co-hosts at Madlang Pipol.
“'Wag kang magmadali, in your time,” sabi ni Vice kay April. “This is not for me, but for people like you.”
“Kung makakapagbigay ako sa inyo ng kahit katiting lang na lakas, ‘di ko pagdadamot ‘yun. Para ‘to sa mga taong tulad mo.”
“In time, matatanggal niyo din ‘yan. No pressure. In your time, pag handa na,” sabi ni Vice, na humarap sa camera.
"May wig man o wala, may nagmamahal sa'yo [heart emoji]" post ni Vice sa social media.
Ayon sa Mayo Clinic, ang alopecia ay isang autoimmune disease na "can be the result of heredity, hormonal changes, medical conditions or a normal part of aging,” at “a very stressful event."
Maaari itong maging panandalian lamang o permanente na, at posibleng side effect ng ilang medication at supplement gaya ng sa cancer, arthritis, depression, heart problems, gout, at high blood pressure.
Ipinaliwanag ni Dr. Jean Marquez noon sa "Pinoy MD" na may dalawang klase ng alopecia: Alopecia Areata at Genetic Alopecia.--FRJ, GMA Integrated News