Nag-viral sa social media at umani ng iba't ibang reaksyon mula sa netizens ang pagkakamali sa poster advertisement ng Department of Tourism (DOT) na naka-display sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), na tila nailipat sa Benguet mula sa Ifugao ang sikat na tourist spot na Banaue Rice Terraces.
Sa ulat ni Nico Waje sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ipinakita ang naging reaksyon ng ilang netizens sa post sa viral ad.
“Buti raw at lumapit para mas madaling mapuntahan,” ayon sa isang netizen. Sabi naman ng isa pa, "kaya pala hirap siyang makita eh nalipat na pala."
May nagsabi naman na baka raw may branch ng Banaue Rice Terraces sa Benguet.
Ayon kay Stephen Acabado, nakakita sa ad at nag-post ng larawan sa social media, na ikinagulat niya ang ad dahil minsan na siyang nagsagawa ng pag-aaral kaugnay sa Banaue Rice Terraces bilang archaeologist.
"Noong una kong nakita natuwa ako dahil I worked in Ifugao. Pero bigla akong nagulat nang makita ko bakit Benguet?," sabi ni Acabado. "It’s a bit frustrating a natural heritage site but hindi natin alam o hindi accurate ang location information."
Ipinadala niya ito sa kasamang si Marlon Martin na chief operating officer ng "Save the Ifugao Terraces Movement."
"Baka may napunta na nga ng Benguet, naghahanap ng Rice terraces, kawawa naman ang turista," ayon kay Martin. "Hanggang ngayon ba naman may hindi pa nakakaalam kung nasaan ang Banaue Rice Terraces."
Si Martin na rin umano ang nagpadala ng larawan sa Regional Director ng Ifugao tourism para mai-report ito sa main office ng Tourism Department.
Natanggal na ang naturang kontrobersiyal na advertisement.
"Hindi naman ngayon lang 'yan. Ang tagal na yu'n e. i think three times na yu'n e. Every now and then ay magkakamali. I-correct nila bago nila ilabas," sabi ni Ifugao Province Governor Jerry Dalipog.
Hindi maiwasan ni Martin na madismaya na tila hindi alam ng DOT ang mga inilalagay sa advertisement na inilalabas.
"Accountability rin ng mga officials natin kahit pa sabihin na may contractor na gumawa nyan di ba? Pero look out nila 'yon," saad niya.
Wala pang ibinibigay na pahayag ang Department of Tourism sa naturang advertisement na bahagi ng "Love the Philippines" campaign.-- FRJ, GMA Integrated News