Sa mga mahilig sa Japanese ramen pero mabigat sa bulsa, isang kainan sa Caloocan ang naghahain ng abot-kayang ramen na Pinoy na Pinoy ang lasa at nabanggit pa nga sa nobelang El Filibusterismo ni Dr. Jose Rizal.
Sa programang Pera Paraan, ikinuwento ng magkasintahang Ian Vincent at Merryl, may-ari ng kainan na EatKa Lang, na P12,000 ang kanilang ipinuhunan para maitayo ang kanilang negosyo.
Pitong buwan matapos nila itong maitayo na mula sa panaginip ni Ian, ngayon, kumikita na ang kanilang kainan ng P40,000 sa isang buwan.
Isa sa mga ibinibida nilang pagkain sa EatKa Lang ang kanilang Pinoy ramen na nagkakahalaga lang ng P65 hanggang P95 ang bawat order. Malayo ito sa presyo ng Japanese ramen na umaabot sa P300 ang bawat order.
Ang Pinoy ramen ng EatKa Lang, ginagamitan ng miki at bihon na noodles. May hinimay na karne ng baboy at nilagang itlog, at hindi siyempre mawawala ang creamy at savory na sabaw na lasang Pinoy.
Ayon kay Ian, malapit sa puso niya ang Pinoy ramen dahil ang recipe nito ay mula sa kaniyang lola na madalas na lutuin para sa kanila na tinatawag na "pansit langlang," na nabanggit din sa nobela ni Rizal.
Sinabi ni Chef Christopher Carangian, isang food historian, nakalagay na sangkap sa pansit langlang na nakasaad sa El Filibusterismo ang sotanghon, manok, kabuti, hipon, tiniping itlog at sabaw.
Wala umanong direktang dokumento na nagpapatunay kung bakit tinawag na "langlang" ang naturang pansit.
Maaaring dala umano ito ng pagiging mahiyain ng mga Pinoy na "pansit lang" ang maihahain sa mga bisita kaya naging "langlang" ang tawag sa naturang pansit, ayon pa kay Carangian.
Ayon kay Ian, naging mahirap sa kanila noong una kung papaano ipakikilala ang pansit langlang sa kanilang mga kostumer kaya tinawag nila itong Pinoy ramen.
Sa pamamagitan ng kanilang Pinoy ramen-Langlang, naipapatikim din nila sa iba ang paboritong inihahain sa kanila noon ng kaniyang mahal na lola.
Tunghayan sa video kung papaano inihahanda ang Pinoy ramen na pansit langlang. Panoorin--FRJ, GMA Integrated News