Pumanaw na sa edad na 53 ang Hollywood actress na si Shannen Doherty, na kilala sa mga TV series na "Beverly Hills," 90210 at "Charmed"

Sa ulat ng Reuters, kinumpirma ng publicist na si Leslie Sloane ang pagpanaw ni Doherty, matapos ang ilang taon na pakikipaglaban sa sakit na cancer.

"It is with a heavy heart that I confirm the passing of actress Shannen Doherty. On Saturday, July 13, she lost her battle with cancer after many years of fighting the disease," saad ni Sloane sa People magazine.

Taong 2015 nang isapubliko ni Doherty ang pakikipaglaban niya sa breast cancer. Pero nitong nakaraang taon, iniulat na may tumor o bukol na inalis sa kaniyang utak, at kumalat na ang cancer sa kaniyang buto.

Sumikat nang husto si Doherty nang makasama siya sa cast ng 90's TV show na "90210," bilang si Brenda. Kasama niya rito sina Luke Perry (bilang si Dylan McKay) at Jennie Garth (bilang si Kelly Taylor).

Nang mawala siya sa "90210," nakasama naman si Doherty sa isa pang hit supernatural TV series noong 1998 na "Charmed," bilang si Prue Halliwell.

Tinawag ng People magazine si Doherty na, "the iconic 'bad girl' of the nineties," dahil sa kaniyang reputasyon umano ng pagkahilig sa party, late na dumarating sa sets at nakikipag-away sa kaniyang co-stars at maging sa mga boss.

Sa podcast na "Let's Be Clear with Shannen Doherty" noong 2023, inako ng aktres ang "full responsibility for her actions" at aminado sa kaniyang naging ugali na "she would get a little carried away" dahil sa kaniyang madalas na pagna-nightclubs sa kaniyang edad noon na early 20s lang.

Ipinaliwanag din niya ang dahilan ng pakikipagtalo niya sa set para ipahayag ang kaniyang opinyon.

Pero kinalaunan, napagtanto raw niya ang "simple art of diplomacy," at may ibang paraan na maipapahayag ang kaniyang sa sarili "in a nicer way."

Isinilang si Doherty sa Memphis, Tennessee, noong April 12, 1971, at nagsimulang umarte sa murang edad. Labing-isang taong gulang siya nang makasama sa final season ng TV classic "Little House on the Prairie."

Tatlong beses ikinasal si Doherty, na ang pinakahuli ay nauwi rin sa diborsiyo noong 2023 sa photographer na si Kurt Iswarienko. — mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News