Inaresto ang isang misis sa Baguio City matapos na putulin niya ang maselang bahagi ng katawan ng kaniyang mister habang nagsisiping sila.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, sinabing nagpapagaling sa ospital ang 58-anyos na mister matapos putulin umano ng kaniyang 55-anyos na misis ang kaniyang maselang bahagi ng katawan noong Linggo.

Ayon sa pulisya, nag-inuman muna ang mag-asawa at nagkaroon ng pagtatalo nang akusahan ng ginang ang kaniyang mister na may ibang babae.

Kahit nagkaroon ng pagtatalo, nagsiping umano ang mag-asawa at doon na nagawa ng suspek na putulin ang ari ng biktima gamit ang kutsilyo.

Nakahingi naman ng tulong ang biktima na isinugod sa ospital.

Sinabi umano ng inarestong suspek sa pulisya na dala ng kalasingan at selos kaya niya nagawang putulin ang ari ng mister.

Ayon kay Police Major Harriet Bulcio, spokesperson ng Baguio City Police Office, bukod sa pagtataksil, inakusahan din ng suspek na nananakit din umano ang biktimang mister.

Mahaharap ang nakadetineng ginang sa reklamong mutilation.-- FRJ, GMA Integrated News